SAINTS OF JULY: SAN LORENZO NG BRINDISI PARI AT PANTAS NG SIMBAHAN

 

HULYO 21

 

SAN LORENZO NG BRINDISI

PARI AT PANTAS NG SIMBAHAN

 


A. KUWENTO NG BUHAY

 

Ipinanganak si San Lorenzo sa isang lugar sa Italy na tinatawag na Brindisi noong Hulyo 22, 1559. Nang siya ay binyagan, binigyan siya ng pangalang Giulio Cesare Russo. Nang lumaki siya ay naging masidhi ang kanyang pagnanasa na maging isang paring Franciscan.

 

Una niyang sinubukan na maging isang Franciscan Conventual subalit hindi nagtagal at lumipat siya sa mga Franciscan Capuchin. Ano ba ang kaibahan nito? Alam natin na si San Francisco ng Asisi ang naging tagapagtatag ng religious order na tinatawag na Order of Friars Minor o mas kilala bilang Franciscan Order (halaw sa pangalan ng tagapagtatag) o mas simple, Franciscans o mga Pransiskano.

 

Buhay pa si San Francisco ay nagkaroon na ng mga pagkakahati-hati sa kanyang mga tagasunod na nagbunga ng pagkakatatag ng tatlong sangay ng mga unang Francisans. Nariyan ang mga Friars Minor, Franciscan Conventuals at mga Franciscan Capuchins. Bawat isa sa mga ito ay nagsasabing sila ang nagpapatuloy ng orihinal na pananaw ni San Francisco para sa kanyang itinatag na religious order. Ngayon ay kapansin-pansin ang pagkakaiba nila ng kasuotan (kulay at istilo) sa isa’t-isa. Subalit nagkakaisa sila ng espirituwalidad na isinasabuhay, ang kapayakan at kabanalan ni San Francisco.

 

Nang maging Franciscan Capuchin si San Lorenzo, dito siya nagningning bilang isang lingkod ng Diyos. Nag-aral siyang mabuti at naging bihasa sa mga salitang German, Greek, Syriac at Hebrew. Naging magaling na guro at gabay siya ng mga kapwa Capuchin.  Ang kanyang pangangaral ay kinilala sa buong Europa kung saan itinanghal siya bilang isang mabisang tagapagpaliwanag ng pananampalataya dahil sa kanyang walang pagod na paglilibot bahagi ng kanyang misyon.

 

Napansin ang kanyang husay sa pamamalakad kaya nagkaroon siya ng mga posisyon bilang pinuno ng kanyang mga kasama. Pinamunuan niya ang kanyang religious order sa Tuscany, Venice, Switzerland at Genoa hanggang maging Superior General (pangkalahatang lider) noong 1602-1605. Bantog siya bilang ang unang nagdala ng Franciscan Capuchins sa bansang Germany at gayundin sa iba pang mga lugar tulad ng  Austria, Moravia at Tyrol.

 

Maraming naisulat si San Lorenzo tungkol sa pananampalataya. Dito siya nahasa sa pakikipag-ugnayan at pakikipag-dialogue sa mga Hudyo, mga Protestante at mga Muslim. Ang kanyang pagiging magaling sa wikang Hebrew ang susi ng kanyang tagumpay sa dialogue niya sa mga Hudyo. At ang pagiging eksperto naman sa Bibliya ang naging kasangkapan niya sa pagsagot sa mga pagtuligsa ng mga Protestante.

 

Bilang isang chaplain ng mga sundalong nagtatanggol sa bansang Hungary mula sa pag-atake ng mga Turko, kasama siya ng mga kawal, nasa unahan ng lahat at hawak-hawak lamang ang isang crucifix. Naging matagumpay ang mga ito at kinilala siyang pinuno ng kanilang pakikipaglaban na nagdala sa tagumpay.

 

Namatay si San Lorenzo sa eksaktong petsa din ng kanyang kaarawan noong 1619. Animnapung taong gulang siya noong pumanaw siya sa lungsod ng Lisbon.

 

 

B. HAMON SA BUHAY

 

Bagamat nabuhay si San Lorenzo sa panahon ng mga pakikipagdigma at pakikipagtagisan sa mga iba’t-ibang puwersa sa lipunan at sa simbahan, ang kapayapaan ang kanyang iisang hangarin at layunin sa buhay. Dito niya inilaan ang kanyang talino at lakas. Sana tayo din ay mamumuhunan ng ating kakayahan para sa ikauunlad ng kapayapaan sa ating paligid.

 

K. KATAGA NG BUHAY

 

2 Cor 4: 5

 

Hindi nga ang aming sarili ang ipinangangaral namin kundi si Jesucristo na siyang Panginoon; at mga lingkod naman ninyo kami alang-alang sa kanya.

 

 

(MULA SA AKLAT NA "ISANG SULYAP SA MGA SANTO, BY FR. RMARCOS)

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS