SAINTS OF JULY: SAN APOLINARIO OBISPO AT MARTIR

 

HULYO 20

 

SAN APOLINARIO

OBISPO AT MARTIR

 


A. KUWENTO NG BUHAY

 

Kung gaano kalaganap ang pagkakilala sa mga Carmelites ay siya namang kaunti lamang ang pagkakabatid natin sa santo sa araw na ito. Ito ay dahil sa nabuhay siya sa mga sinaunang panahon ng Kristiyanismo.

 

Si San Apolinario ay tinatayang isinilang sa Antioquia, ang lugar kung saan ang mga taga-sunod ng Panginoong Jesus ay tinawag na mga “Kristiyano”.  Dahil si San Apolinario ay tubo sa bayang ito, sinasabi na siya ay naging tagasunod ni San Pedro Apostol. 

 

Ano ang kaugnayan ng Antioquia kay San Pedro na pangunahing apostol ng Panginoong Jesukristo?  Anong impluwensya mayroon si San Pedro sa Antioquia at sa mga mamamayang doon na yumakap sa pananampalataya?

 

Si San Pedro ay kinikilala bilang unang obispo ng Antioquia. Nakakagulat, hindi ba? Kasi ang mas alam natin tungkol kay San Pedro ay siya ang itinuturing na unang Santo Papa o unang obispo ng Roma, dahil sa Roma siya namatay bilang isang martir o saksi sa pananampalataya kay Kristo. Sa katunayan, matatagpuan sa St. Peter’s Basilica ang kanyang puntod pati na rin ang kanyang mga buto.

 

Pero marami ang hindi nakakaalam na bago pumunta sa Roma si San Pedro ay nanatili muna siya sa Antioquia at naging pinuno ng mga unang Kristiyano doon.

Kaya’t kung tutuusin, may kaugnayan ang Roma at Antioquia dahil iisang tao lamang ang kanilang itinuturing na ama ng dalawang pamayanang Kristiyanong ito, ang unang obispo ng dalawang lungsod na ito, ay walang iba kundi si San Pedro Apostol. Itinatag niya ang simbahan sa Antioquia at pagkatapos ay saka siya tumungo sa Roma.

 

Doon sa Antioquia, lumago at lumalim ang pananampalataya ni San Apolinario at naging gabay niya ang mga aral ni San Pedro. Napakagandang pagkakataon ang naganap sa buhay ni San Apolinario dahil tinanggap niya ang aral ng pananampalataya mula sa kamay mismo ng apostol na naging matalik na kaibigan at ka-manggagawa ng Panginoon.

 

Naging obispo si San Apolinario at isinugo siya bilang isang misyonero sa lungsod ng Ravenna sa Italy upang maging lingkod ng mga Kristiyano doon. Naganap ito sa panunungkulan ng Emperador Claudio. Sa Ravenna, pinatunayan ni San Apolinario ang katapatan sa Panginoon na natutunan niya sa kanyang guro na si San Pedro.

 

Sinasabing nagbuwis ng buhay si San Apolinario dala ng galit ng mga pulutong ng tao na tumangging makinig sa kanyang mensahe. Binugbog siya ng mga taong ito, na naging sanhi ng kanyang kamatayan. Kung ano ang naging kapalaran ni San Pedro, na naging martir sa Roma, ay siya ring naging kapalaran ni San Apolinario, na matapos maging isang matapat na pastol, ay naging magiting na martir ng pananampalataya.

 

 

B. HAMON SA BUHAY

 

Magandang kapalaran ang sinapit ni San Apolinario nang makatagpo niya at maging gabay sa paglago ng pananampalataya si San Pedro. Subalit kinailangan din niyang patunayan na karapat-dapat siya sa biyayang ito. Hindi siya naging madamot sa pag-aalay ng sarili para sa ibang tao.  Tayo din ay tumanggap ng maraming pagpapala sa kamay ng mga nagturo sa atin ng landas tungo kay Jesus. Handa rin ba tayong isugo at maghandog ng sarili para sa misyon ng isang Kristiyano?

 

 

K. KATAGA NG BUHAY

 

Fil 2: 30

 

Alang-alang sa trabaho ni Kristo isinuong niya sa panganib ang sariling buhay at nabingit siya sa kamatayan sa pagbibigay sa akin ng tulong na hindi ninyo maibigay.

 

(MULA SA AKLAT NA "ISANG SULYAP SA MGA SANTO, BY FR. RMARCOS)

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS