Panigan ang Buhay, Tanggihan ang RH Bill

(Liham Pastoral ng Kapulungan ng mga Katolikong Obispo ng Pilipinas)

Aming mga kapatid na Pilipino,

Pinahahalagahan ng Estado ang dangal ng bawa’t tao at tinataguyod ang ganap na paggalang sa karapatang pantao (Art II, Seksyon 11). Kinikilala ng Estado ang kabanalan ng buhay pampamilya at ipagtatanggol at palalakasin ang pamilya bilang isang batayang institusyong panlipunan na may karapatang itaguyod ang sarili. Ipagsasanggalang din nito ang buhay ng ina at ang buhay ng di pa isinisilang mula nang ito ay ipaglihi (Art II, Seksyon 12).

Bakit itong Liham Pastoral?

Nagsimula tayo sa paghalaw mula sa Saligang Batas ng Pilipinas. Ginawa namin ito dahil nilalayon naming gawin ang sulat na ito batay sa saligang pinahahalagahan at mga hangarin ng sambayanang Pilipino at hindi batay sa mga katuruan ng Simbahang Katoliko lamang.

Bilang isang bansa tayo ay nasa sangandaan. Hinaharap natin ang ilang bersyon ng isang panukalang batas, ang Reproductive Health Bill o ang pinagandang Responsible Parenthood Bill. Ang panukalang batas na ito, sa lahat ng bersyon, ay humahamon sa atin na gumawa ng isang pasyang moral: piliin ang buhay o piliin ang kamatayan.

Sa pasimula, pinasasalamatan namin ang pamahalaan sa pagkakaloob ng pagkakataon na ipahayag ang aming mga pananaw sa isang mahinahong talakayan. Subali’t lumabas sa aming talakayan kung gaanong magkalayo ang aming mga paninindigan. Kaya nga, sa halip na magkaroon ng mga maling inaasahan, ibig naming liwanagin ngayon ang aming mga tinututulan at ang aming mga pinaninindigan.

Kapasyahang Moral sa Sangandaan – Sa EDSA I at Ngayon

Dalawampu’t limang taon na ang nakararaan (1986) gumawa kaming mga Obispong Katoliko ng isang moral na paghatol tungkol sa pamunuan sa politika. Sa pamamagitan ng pahayag na iyon, naniniwala kaming nakatulong kami sa isang makabuluhang paraan na pagbibigay daan sa EDSA I at wastong pamumuno sa politika.

Ngayon nasa isang bagong sangandaan tayo sa kasaysayan ng ating bansa. At kailangan nating gumawa ngyayon ng kahalintulad na pagpapasyang moral. Pinukaw ng ating Pangulo ang bansa sa kanyang sigaw noong halalan, “Kung walang corrupt, walang mahirap.” Bilang mga namumuno sa larangan ng relihiyon, naniniwala kaming may higit na uri ng katiwalian, walang iba kundi ang katiwalian sa moralidad, na siyang tunay na ugat ng lahat ng katiwalian. Sa hinaharap nating usapin, isang katiwaliang moral ang ipagwalambahala ang mga kinalamang moral ng RH Bill.

Ito ang aming nagkakaisang paghatol na moral: Mariin naming tinututulan ang RH Bill.

Sama-samang Pinahahalagahan sa ating Pagkatao at Kalinangan (Kultura) – Dalawang Batayang Paninindigan

Ang RH Bill ay hindi lamang isang usaping pang-Katoliko. Ito ay isang matinding paglapastangan sa mga tunay nating pinahahalagahan bilang mga tao at ng kulturang Pilipino tungkol sa buhay ng tao na ating itinangi sa mula’t mula pa.

Sa tahasang paghahayag, hindi iginagalang ng RH Bill ang pananaw na moral na nasa puso ng mga kulturang Pilipino. Ang RH Bill ay bunga ng isang makamundo at materialistang diwa na tumatanaw sa moralidad bilang iba’t ibang katuruan na maaring pagpilian ayon sa takbo o kalakaran ng panahon. May tinatanggap at may ibang hindi tinatanggap. Malungkot na makita ang di namamalayang paglaganap ng diwang ito, na kalimita’y tinatawag na post-modern, sa ating sariling lipunang Pilipino.

Ang aming paniniwala ay matatag na nakasalig sa dalawang pangunahing paninindigan na sama-samang tanggap ng lahat ng sumasampalataya sa Diyos:

1. Ang buhay ay ang pinaka-sagradong kaloob na pisikal na ibinibigay sa isang tao ng Diyos, ang Maylikha ng buhay. Ang paglalagay ng mga sagabal na artipisyal upang mahadlangan ang pagbuo at ang pasilang ng buhay ay maliwanag na lumalabag sa batayang katotohanang ito hinggil sa buhay ng tao. Sa harap ng paglaganap ng diwang post-modern sa ating daigdig, tinuturing namin ang paninindigan ito bilang pagpapahayag sa ngalan ng Diyos. Bilang mga namumuno sa larangan ng relihiyon, kailangan naming ipahayag ang katotohanang ito nang walang takot, napapanahon man o di napapanahon.

2. Ang mga magulang, kaisa ng Diyos, ang siyang nagdadala ng mga anak sa mundo. Sila rin ang may pangunahin at di-maaagaw na karapatan at pananagutan na kalingain, pangalagaan at hubugin ang kanilang mga anak upang sila ay umunlad bilang mga tao ayon sa kalooban ng Maylikha.

Ang Aming mga Tinututulan sa RH Bill

Sabi ng mga nagsusulong na pinangangalagaan ng RH Bill ang kalusugan kaugnay ng pagkakaroon ng anak (reproductive health). Hindi ito totoo. Hindi pinagsasanggalang ng RH Bill ang kalusugan ng sagradong buhay ng tao na binubuo o isinisilang. Pinahahayag na ng salitang “Kontraseptibo” ang pagiging labag sa buhay ng mga pamamaraang isinisulong ng RH Bill. Ang mga artipisyal na pamamaraang ito ay nakapipinsala sa buhay ng tao, dahil pinipigil nito ang pagsisimula ng buhay o tuwirang pinipinsala ito. Matagal nang alam ng mga dalubhasa sa agham na ang mga kontraseptibo ay maaring pagmulan ng kanser. Mapanganib ang mga kontraseptibo sa kalusugan ng mga babae.

Sinasabi rin ng mga tagsulong ng RH Bill na mababawasan nito ang bilang ng aborsyon. Nguni’t maraming taga-suring siyentipiko ay nagtataka kung bakit ang malawakang paggamit ng kontraseptibo ay nagpapataas kung minsan ng bilang ng aborsyon. Sa totoo, nagbibigay ang kontraseptibo ng maling kasiguruhan na nag-aalis ng pagpigil sa gawaing sekswal. Binigyan pansin ng mga dalubhasa sa agham ang maraming bilang ng pagsablay ng mga kontraseptibo kaya’t bumabaling sa aborsyon, na itinuturing ng lahat ng relihiyon na kasalanan. Ang tinatawag na “ligtas na sex” upang bawasan ang bilang ng aborsyon ay isang huwad na

propaganda.

Sinasabi rin ng mga tagasulong na pipigilan ng RH Bill ang paglaganap ng HIV/AIDS. Ito rin ay salungat sa maraming datos na siyentipiko. Sa ilang mga bansa kung saan laganap ang paggamit ng condom, patuloy na kumakalat ang HIV/AIDS. Nagbibigay ang mga condoms ng huwad na kasiguruhan na nagtutulak sa marami sa mga gawaing sekswal, na nagpaparami rin sa mga kaso ng HIV/AIDS. Ang tinatawag na “ligtas na sex” upang pigilin ang HIV/AIDS ay huwad na propaganda.

Sinasabi rin ng mga tagasulong na ang RH Bill ay magbibigay ng kapangyarihan sa mga babae para sa pag-angkin sa sarili nilang katawan. Ito ay naayon sa diwang “post-modern” na naghahayag na ang mga babae ay makapangyayari sa sarili nilang katawan nang hindi napapailalim sa iniaatas ng anumang relihiyon. Nakalilinlang ang tinatawag na “bagong katotohanan” na ito. Sapagka’t ayon sa pagkalalang ng Diyos ibinigay sa atin ang ating mga katawan upang pangalagaan. Tayo ang mga tagapangasiwa ng ating ating sariling katawan at dapat nating sundin ang kalooban ng Diyos sa bagay na ito ayon sa isang hubog at wastong budhi. Ang ganitong budhi ay dapat nililiwanagan at ginagabayan ng mga katuruang panrelihiyon at moral na ibinibigay ng mga tradisyong panrelihiyon at kultural tungkol sa batayang dangal at halaga ng buhay ng tao.

Sinasabi rin ng mga tagasulong na kailangan ang RH Bill upang sugpuin ang labis ng pagdami ng mga tao at upang makalaya sa kahirapan. Ang tanggapang pang-istatistiko ng ating pamahalaan na rin ang nagpahayag na hindi labis ang bilang ng tao sa Pilipinas kundi nagsisiksikan ang mga tao sa maraming lunsod. Dapat din nating bigyan pansin ang mga bunga ng pag-aaral ng isang mahalagang grupo ng mga batikang dalubhasa sa ekonomiya, kabilang na rito ang mga kinilala ng Nobel sa larangan ng ekonomiya. Natuklasan nila na walang tuwirang ugnayan sa isa’t isa ang bilang ng tao at ang kahirapan. Sa katunayan maraming mga Pilipinong dalubhasa ang nagsaad na ang dami ng mga tao ay hindi dahilan ng ating kahirapan. Ang mga dahilan ng kahirapan ay mga maling pilosopiya ng pag-unlad, mga taliwas na polisiya sa ekonomiya, kasakiman, katiwalian, kawalan ng pagkakapantay sa lipunan, kakulangan ng pagkakataon sa edukasyon, mahinang serbisyong pangkabuhayan at panlipunan, di sapat na inprastruktura at iba pa. Ayon sa pagtantiya ng mga samahang pandaigdig mahigit na 400 bilyong piso ang nawawala taun-taon sa ating bansa dahil sa katiwalian. Maliwanag na masasabi: upang makaahon ang ating bansa sa kahirapan, kinakailangang harapin natin ang mga tunay na dahilan ng kahirapan at hindi ang bilang ng mga tao.

Dahil sa mga nabanggit, maliwanag naming ipinahahayag ang aming mga pagtutol:

1. Tinututulan namin ang pagbabalewala sa mga simulaing moral na siyang tunay na saligan ng batas, sa mga talakayan sa batasan ng mga panukalang nakalaan para sa kabutihan ng mga indibidwal at sa kapakanang pangmadla.

2. Laban kami sa kaisipang labag sa buhay, labag sa pagsilang at kontraseptibo na nakikita sa media at sa ilang mga isinusulong na panukalang pambatas.

3. Mariin naming tinututulan ang mga pagtatangkang pagpapalusot ng RH Bill.

4. Tinututulan namin ang pangkalahatang tinutungo ng RH Bill sa pagpigil ng pagdami ng mga tao.

5. Tinututulan namin ang paggamit ng pera ng bayan sa mga kontraseptibo at isterilisasyon.

6. Tinututulan namin ang sapilitang sex education na magtutulak sa mga magulang na talikdan ang kanilang pangunahing papel sa paghubog sa kanilang mga anak, lalung-lalo na sa larangan ng sekswalidad, na isang sagradong kaloob ng Diyos.

Ang Aming Mga Pinaninindigan

Hinggil sa mga iminumungkahing RH Bill, ito ang aming mga matitibay na paninindigan:

1. Kami ay labis na nagmamalasakit sa katatayuan ng maraming mga mahihirap, lalo na ang mga nagdurusang kababaihan na nagsusumikap upang gumanda ang buhay at kailangang mangibang-bayan upang kamtin ito o kailangang pumasok sa isang hindi disenteng paghahanap-buhay.

2. Kami ay para sa buhay. Dapat naming ipagsanggalang ang buhay ng tao mula sa sandali ng ito ay ipaglihi o mabuo hanggang sa natural na katapusan nito.

3. Naniniwala kami sa mapanagutan (responsable) at natural na pagsasayos ng bilang at panahon ng pagsisilang sa pamamagitan ng Natural Family Planning; dito kailangan ang pagbuo ng matatag na kalooban na nagtataglay ng sakripisyo, disiplina at paggalang sa dangal ng asawa.

4. Naniniwala kami na tayo ay mga tagapangasiwa lamang ng ating mga katawan. Ang pananagutan sa ating katawan ay dapat umalinsunod sa kalooban ng Diyos na nangungusap sa atin sa pamamagitan ng budhi.

5. Pinaninindigan namin na sa mga pagpili kaugnay sa RH Bill, ang budhi ay hindi lamang may sapat na kabatiran kundi higit sa lahat ay ginagabayan ng mga itinuturo ng kanyang pananampalataya.

6. Naniniwala kami sa kalayaan sa relihiyon at sa karapatan ng pagtutol ayon sa buhdi sa mga bagay na labag sa sariling pananampalataya. Ang mga nakapataw at parusa na napapaloob sa minumungkahing RH Bill ay dahilan para sa aming pagtutol dito.

Mga Panawagan Namin

Bilang mga namumuno sa larangan ng relihiyon, pinaglimi namin nang malaliman at sa panalangin ang mainit na usaping ito. Nagkakaisa naming narating ang pasyang moral na tutulan ang nilalayon ng RH Bill at piliin ang buhay.

1. Nananawagan kami para sa isang pundamental na pagpapanibago ng ating mga kaisipan at gawi kaugnay ng buhay ng tao, lalung-lalo na ang mga hindi makapagtatanggol sa sarili, ito ay ang buhay ng tao na nabubuo o ipinaglilihi. Ang hindi pagbibigay ng karampatang halaga sa buhay ng tao ay isang malaking kapintasan sa ating bansa na nakakiling sa relihiyon.

2. Nananawagan kami sa mga mambabatas na tingnan ang RH Bill sa liwanag ng buhay ng tao na nagtataglay ng dangal at halaga na galing sa Diyos. At dahil dito isasaingtabi na ito nang lubusan bilang labag sa ating mga pagpapahalaga at hangarin bilang isang bansa. Pinasasalamatan namin ang mga mambabatas na naghain ng mga panukalang batas na nagtatanggol sa buhay ng tao mula sa sandali na ito ay ipaglihi. Tinatawagan namin ang iba pang mga mambabatas na sumama sa kanilang hanay.

3. Pinasasalamatan namin ang napakaraming mga laiko sa buong bansa, lalung-lalo na ang mga grupong masisigasig na tumungo sa Kongreso upang ipagtanggol at itaguyod ang aming paninindigan. Nananawagan kami sa iba pang mga layko at tagasunod ng mga ibang relihiyon na sumama sa pagsusulong ng pagtatanggol at pagtataguyod ng ating mga sama-samang tinatanghal na mga pagpapahalaga at adhikain.

4. Nananawagan kami sa ating pamahalaan na mabisang tugunan ang mga tunay na dahilan ng kahirapan gaya ng katiwalaan, kakulangan ng mga serbisyong panlipunan at pangkabuhayan, kakulangan ng pagkakataon sa edukasyon at mga kapakinabangan ng kaunlaran, at di pagkakapantay-pantay sa lipunan.

5. Nananawagan kami para sa pagtatayo ng mga pagamutan at klinika sa mga kanayunan, sa pagkakaroon ng mga dagdag na tauhan sa larangan ng kalusugan upang higit na marami ang makinabang sa serbisyong pangkalusugan, sa pagtatayo ng higit pang maraming paaralan, sa paglalaan ng higit na tulong sa mga mahihirap para sa pag-aaral, at pagtatayo ng mas marami at mas mabubuting inprastruktura na kailangan sa kaunlaran.

6. Inuulit naming ang hamon na aming ibinigay 25 taon nang nakaraan sa EDSA I at nananawagan kami sa lahat ng mga taong may magandang kalooban na nakikiisa sa aming pinaninindigan: “sama-sama tayong manalangin, sama-sama tayong magmuni, sama-sama tayong magpasya, sama-sama tayong kumilos, lagi sa layuning ang katotohanan ay mamayani” sa harap ng maraming banta laban sa buhay ng tao at laban sa ating mga itinataguyod na mga halagang pantao at pang-kultura.

Pinagkakatiwala namin ang aming mga pagsisikap laban sa RH Bill (o Responsible Parenthood Bill, ang bagong tawag dito) sa pagpapala ng ating makapangyarihan at maibiging Diyos na pinagmumulan at patunguhan ng lahat ng buhay.

Para sa Kapulungan ng mga Obispong Katoliko ng PIlipinas

+NEREO P. ODCHIMAR, DD

Obispo ng Tandag

Pangulo, CBCP

Ika-30 ng Enero 2011

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS