IKA-APAT NA LINGGO NG KUWARESMA K
DALAWANG ANAK Nang malapit nang matalo ang ISIS sa Syria, maraming mga banyagang supporter nila ang humingi na makabalik na sa kanilang mga bansa. Sila ang mga taong iniwan ang pamilya, trabaho, pag-aaral upang makipamuhay o makipaglaban sa ISIS. Ngayon nakulong o nahuli bilang refugees, gusto daw nilang bumalik at magsimulang muli. May mga bansang nagpabalik sa ilan sa mga taong ito at dinala sila sa korte o sa kulungan. May mga bansang tumutol tanggapin sila muli, at tinanggalan pa ang ilan ng kanilang citizenship. Maraming tao kasi ang galit sa mga returnees, takot sa banta ng terorismo, at duda sa kanilang mga layunin. Pero ang mga pamilya ng mga returnee ay iba ang pananaw. Hiningi nilang pabalikin ang kanilang mga anak, kahit sila mismo ay nasaktan at napahiya sa ginawa nitong suporta sa ISIS. Kung matindi ang galit ng marami laban sa mga returnee, ganun naman katindi rin ang pag-aasam ng mga pamilya na muli silang makita, mayakap, mapatawad.