IKALAWANG LINGGO NG KUWARESMA K
GUSTO MO NG
MAKE-OVER?
Noong dulo ng 2018, namatay si Fr
Thomas Keating na nagpasimula ng “centering prayer.” Sa isa sa mga panayam
niya, sinabi niya “Ang daming gustong magbagong-anyo pero wala namang may
gustong magbagong-loob.”
Ang mga taong hindi kuntento ay
naghahangad ng pagbabagong-anyo. Iyong pakiramdam na pangit sila ay gumagasta
para mag make-over. Iyong sobra sa timbang ay handang maghirap para maging “biggest
loser” ng extrang taba sa katawan. Pati ang mga bahay ngayon ay meron ding
make-over tulad ng mga natuklasan ng mga taong nagsasabuhay ngayon ng
minimalism o ng tidy home experience.
Lalong totoo at kapani-paniwala
ngayon ang mga salita ni Fr. Keating. Ang tunay na pagbabago ay nagaganap lang
sa pagbabago ng loob. Hindi sa pisikal an aspekto kundi sa kung saan lalong
mahalaga. Nagiging maganda ka ba para lamang maging mayabang naman? Nararating mo
ba ang pagiging flawless at perfect para lang mabalikan mo ang mga dating
naninira sa iyo? Matapos maging fit, nagiging kuntento ka na ba o simula pa
lang ito ng walang katapusang mga pagnanasa sa buhay?
Inaanyayahan tayo ng Kuwaresma
hindi para sa make-over lamang kundi sa pagbabago ng kalooban, ang tunay na pagbabago.
Mula sa pagkamakasarili tungo sa pagka-bukaspalad. Mula sa galit tungo sa
pagpapatawad. Mula sa takot tungo sa lakas ng loob. Mula sa katamaran tungo sa
pagsisikap. Mula sa kasalanan tungo sa kabanalan ng buhay (at least, i-try di ba?).
Ang kapangyarihan para sa tunay
at nagtatagal na pagbabago ay hindi naman sa atin magmumula kundi sa Panginoon.
Sabi ni San Pablo, papalitan niya ang ating katawang lupa para maging tulad ng
kanyang katawang maluwalhati sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan! Posible
itong mangyari dahil anak tayo ng Diyos, mamamayan ng langit at kakampi natin ang
ating Tagapagligtas, ang Panginoong Hesukristo, dagdag pa ng unang pagbasa.
Hindi masamang maghangad ng
pagbabago subalit kailangang may kalakip na sangkap espirituwal. Sa pagbabagong-anyo,
nakita kay Hesus ang tanda ng mas
malalim na ugnayan sa Ama, mas matibay na pagtatalaga ng sariling maglingkod sa
kapwa, at patuloy na pakikibaka sa maging matapat sa kanyang misyon sa buhay. Ito
ang higit a mahalaga sa Panginoon.
Magbagong-anyo kung talagang
kailangan. Pero higit sa lahat, magbagong-loob sa panahong ito ng Kuwaresma,
para sa iyong kabutihan at sa kapakanan ng mga nakapaligid sa iyo.