UNANG LINGGO NG KUWARESMA K
BAKIT PA KAILANGAN ANG PAG-AALAY?
Maraming hindi nakakaunawa kung
bakit dapat mag-alay sa Panginoon. Kamakailan lang, nilibak ng isang pinuno ng
bansa ang gawing pag-aalay sa simbahan at nagkalat pa ng alingasngas na baka
ninanakaw lang ng mga pari ang mga alay. Tulad ng dati, nanahimik lang ang mga
Katoliko natin habang walang galang na niyuyurakan ang kanilang pananampalataya.
O baka kasi sila mismo ay hindi nakakaunawa kung bakit dapat mag-alay sa Diyos at
sa pamayanan ng yaman, galing at panahon.
Sa ating pagsisimula ng
Kuwaresma, nililinaw ng unang pagbasa mula sa Deuteronomio na ang alay, bagamat
sariling kusa at galing sa puso dapat, ay isang bagay na inaasahan ng Panginoon
sa ating kaugnayan sa kanya. Kapag tayo ay nag-alay, hindi ang Diyos ang nabibiyayaan.
Ang tunay na gana ay sa atin, dahil naaalala natin kung sino tayo at kung ano ang
ginagawa ng Panginoon para sa atin araw-araw.
Tuwing mag-aalay ka, kahit na
pinakasimpleng handog, naaalala mo na ikaw ay mahalagang nilalang, paboritong
anak, na inililigtas at iniingatan mula sa maraming mga pagsubok at paghihirap
na dumarating sa ating buhay. Dahil ang Diyos ay mabuting loob sa atin, dapat
lang tayong maging bukas-palad sa pagkilalala at pasasalamat. Tanungin mo nga ang
sarili mo, kung kailan ka totoong pinabayaan ng Diyos?
Sa mabuting balita, ang paksa
naman ay tukso. Tinukso si Hesus. Nakikipagbuno tayo araw-araw sa mga tuksong
naglalayong dalhin tayo sa kasalanan at nang masira ang ating ugnayan sa
Panginoon, sa kapwa-tao at maging sa ating sarili! Ang halimbawa ng Panginoon
ay malinaw. Nilabanan niya bawat tukso sa simula nito. Hindi niya hinayaan
pumasok ang mga ito sa puso at isip niya.
Sabi ni San Ignacio iyon ang tama.
Kapag dumarating ang mga tukso, pigilin agad upang makita mo kung ano talaga ang
anyo ng kaaway ng ating kaluluwa – isang mahinang manunukso na nagiging malakas
lamang kapag hinahayaan natin siya.
Bakit hindi natin labanan ang mga
tukso sa pamamagitan ng pag-aalay sa Diyos araw-araw? Paggising pa lang, ialay ang
maghapon sa Panginoon. Sa buong araw, manatiling malapit sa kanya sa maiikling
mga dasal at mga pagpapahayag ng tiwala. Sa mga panahon ng tukso, tumakbo sa
paanan ng krus at ialay ang iyong hangarin na huwag kailanman mawalay sa
kanyang pag-ibig. O Panginoon ko, pagkalooban mo po ako ng biyayang malupig ang
mga tukso ng aking buhay sa tulong ng pag-aalay at sakripisyo ko para sa iyo!