DAKILANG KAPISTAHAN NG PAG-AKYAT SA LANGIT NG PANGINOON
--> TANGGAPIN ANG ALINLANGAN Sa isang klase ng mga estudyante sa doctorate-level, tinanong ng propesor ang lahat tungkol sa pananampalataya. Sabi ng isa, matagal na daw nawala ang kanyang pananampalataya at hanggang pagkabata lamang daw niya ito. Sambit ng isa pa, naniniwala pa rin siya pero ang dami niyang tanong at duda sa maraming bagay. Ang propesor naman ang nagsabi na matagal na siyang hindi pumapasok sa simbahan kasi wala namang naidadagdag ito sa kanyang kaalaman at paglago. Ang sarap isipin na maayos na ang lahat dahil sa Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus natin; na napawi ng Easter ang duda, pag-aatubili, at mga tanong tungkol sa pananampalataya. Subalit maging ang mga ebanghelyo ang nagpapakita na pati ang mga malalapit kay Hesus ay hindi malunok lahat ng naganap kahit pa ang kanyang Pagkabuhay na muli. Hayan si Tomas, ang dalawang papunta sa Emaus, ang mga alagad na ayaw maniwala sa mga babaeng galing sa libingang wala nang laman.