DAKILANG KAPISTAHAN NG PAG-AKYAT SA LANGIT NG PANGINOON
-->
TANGGAPIN ANG
ALINLANGAN
Sa isang klase ng mga estudyante
sa doctorate-level, tinanong ng propesor ang lahat tungkol sa pananampalataya.
Sabi ng isa, matagal na daw nawala ang kanyang pananampalataya at hanggang
pagkabata lamang daw niya ito. Sambit ng isa pa, naniniwala pa rin siya pero
ang dami niyang tanong at duda sa maraming bagay. Ang propesor naman ang
nagsabi na matagal na siyang hindi pumapasok sa simbahan kasi wala namang
naidadagdag ito sa kanyang kaalaman at paglago.
Ang sarap isipin na maayos na ang
lahat dahil sa Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus natin; na napawi ng Easter
ang duda, pag-aatubili, at mga tanong tungkol sa pananampalataya. Subalit maging
ang mga ebanghelyo ang nagpapakita na pati ang mga malalapit kay Hesus ay hindi
malunok lahat ng naganap kahit pa ang kanyang Pagkabuhay na muli. Hayan si
Tomas, ang dalawang papunta sa Emaus, ang mga alagad na ayaw maniwala sa mga
babaeng galing sa libingang wala nang laman.
Sa mabuting balita ngayon, sabi
ni San Mateo: sinamba nila siya, subalit may ilang nag-alinlangan (Mt. 29:17).
Magdududa ka nga ba sa harap ng Nabuhay muli? Kahit nakikita mo na siyang
umaakyat sa langit?
Pahiwatig sa atin ng ebanghelyo
na ang pagdududa ay bahagi ng paniniwala. Walang sumasampalatay nang siyento
porsiyento. Hindi ganoon ka-cheap ang pananampalataya. Kailangan dito ang
puhunang dedikasyon, pagsuko, tiwala at pagtalima – lahat ito ay mahirap gawin.
Hindi madali ang pananampalataya. Kahit ang mga pinakamalapit kay Hesus ay
nakipagbuno sa alinlangan. Maraming mga tao ngayon ang naniniwala pero sa puso
nila ay may duda pa rin, dahil sa mga karanasan, o kaganapan sa buhay o dahil
kailangan lang nila ng higit pang tulong mula sa langit.
Ang mabuting balita ay ito – si
Hesus ay hindi nadidismaya dahil sa ating mga pagdududa. Hindi niya sinasabi:
Iyong mga buo ang pananampalataya lamang ang puwedeng sumunod sa akin. Iyong
iba diyan, humanap na kayo ng mapupuntahan.” Niyayakap ni Hesus kapwa
naniniwala at nag-aalinlangan. Nagpakita siya sa kanila. Tumugon siya sa kanila
batay sa kapasidad nilang maniwala.
Tiyak ako na tayo’y nagdarasal,
nagsisimba, nagde-debosyon, at nagsisikap maging mabuting Kristiyano pero may
konting duda pa rin sa isang sulok ng ating isip at puso. Huwag matakot. Huwag mahiyang
tumawag pa rin sa Panginoon. Alam niyang hindi madali ang iyong pinagdaraanan. Isang
araw, hihipuin niya at aalisin ang pag-aalinlangan. Basta, patuloy tayong
sumamba kahit minsan nagdududa. Tinatanggap niya tayo; siya lamang ang
nakakaunawa sa atin nang ganito.