IKA-4 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON A
--> ANG PINAKADAKILANG GURO Nagsimula na tayong maglakbay sa pagtuklas ng Mabuting Balita ni Mateo. Ito ang una sa mga ebanghelyo sa listahan ng Bibliya at una din sa listahan ng ebanghelyo sa listahan ng liturhiya ng simbahan. Para sa simbahan, ang mabuting balitang ito ang pinakamaganda sa lahat dahil sa nilalaman, istilo at mensaheng dala nito. Ngayon dinadala tayo ni Mateo sa bundok upang doon ay makinig kay Hesus. Nagsulat si Mateo noong taong 80-90 AD sa mga Hudyo at Hentil na kapwa naging mga Kristiyano. Sa magkahalong grupong ito, ano ba ang mensahe ni Hesus? Ibinibigay ito sa atin sa tulong ng mga pangaral ng Panginoon, at ang una dito ay pangaral sa bundok (Mt. 5:1-12). Nagtuturo si Hesus sa mga alagad bilang tagapagbigay ng batas at guro ng bagong tipan. Kung sa lumang tipan, si Moises ang tagapagturo, para sa mga Kristiyano, natagpuan na ang mas higit pang guro, ang ating Panginoon Hesukristo, na siyang “Diyos na sumasaatin na.”