IKA-22 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
TOTOONG KABABAANG-LOOB? Naitaas ka ng posisyon pero hindi mo maikwento sa iba dahil baka masabihan kang nagyayabang. Nalaman mong nakapasok ka sa scholarship pero hindi ka makapagsaya dahil baka maging mapagmalaki ka. Lagi kang naglalakad na nakayuko dahil ayaw mong isipin nilang nagmamataas ka. Kahit pintasan o siraan ka nila, umiiwas kang makipag-away kaya tahimik na lang. Sa pulong, pigil kang magsalita ng iyong mga iniisip dahil baka sabihin nilang ipinipilit mo ang iyong kagustuhan. Sa mga nabanggit na sitwasyon, humble ka ba? Tiyak, HINDI!! Inaakala nating ang kababaang-loob ay isang katangiang nagpapalamuti sa pagkatao, nagpapaganda ng ugali, at nagpapatingkad ng sarili. At totoo namang ang kababaang-loob ay nagpapaganda sa sinumang yumayakap nito. Pero pag tumigil tayo dito ay susupilin natin ang kahalagahan ng pagiging mababang-loob. Kalahati lang kasi ito ng buong tagpo.