IKA-18 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K



NAGHAHABOL SA BULA?





Sa Bibliya, ang salitang “banidoso” ay di tulad ng kahulugan nito ngayon.

Ang banidoso ngayon ay ang maarte sa anyo, katangian at ugali.

Ang banidoso ay ang nag-aakalang siya ang pinakamagaling at siya ang pinakamataas sa lahat.



Ang aklat ng Eclesiastes (unang pagbasa) ay mariing nagko-kondena sa pagiging banidoso – sa orihinal nitong kahulugan – anumang walang saysay, walang halaga, walang kabuluhan.



Ipinaaalala sa atin ng sumulat na marami sa mga bagay na gusto nating hagilapin ngayon sa mundo ay walang saysay kung titingnan mula sa mata ng Diyos, sa pananaw ng dako pa roon, sa perspektibo ng buhay na walang hanggan:



… gaano man kalaki ang pera mo hindi mo mabibili ang kaligayahan mo

… ang ganda ng mukha at hubog ng katawan ay hindi magdadala sa iyo sa tunay na pag-ibig

… ang matalino ay hindi laging marunong

… ang katapatan ng mga tao ay nag-iiba ng direksyon

… ang luho at pasarap ay may hangganan

… ang kasikatan at katanyagan minsan ay may dalang pahamak.



SInasabi sa atin ng Panginoong Hesus (Lk 12) na ang pinakamahalagang bagay sa lahat ay maging “mayaman sa mga bagay ukol sa Diyos”

… at hindi mga bagay ukol sa sarili mo… at sa mundong ito!



Pero, nakikinig ba tayo sa mga salitang ito?

Sino ang namumuhunan sa buhay na walang hanggan?



Mas nanaisin nating makita:

na lumago ang pera sa bangko.

na yumabong ang negosyo,

na lalong sumarap at guminhawa ang buhay,

na dumami ang natutuwa at nagigiliw sa atin.



Para marating ang mga ito, nanaisin ng mga tao na magsumikap; na gawin ang anumang makakaya para magtagumpay,

Sa makamundo at materyal na paraan,

Habang kinakalimutan ang tila hindi mahalaga at tila hindi makabuluhan tulad

… ng pagbabahagi at pagbubukas-palad

… pagiging banayad at disiplinado

… tapat na kaugnayan sa pamilya at kapwa

… ang pagtingala sa mga bagay na nasa itaas (ikalawang pagbasa Col 3) na ang ibig sabihin ay mga bagay na espirituwal.



Pakitanong ang sarili mo:

Ano ba ang tunay mong kinagigiliwan?

Ano ang nagpapabangon sa iyo sa umaga?

Ano ang tunay na hangarin at tibok ng iyong puso?

Ano ang laman ng isip at puso mo araw-araw?



Ipagdasal nating ibigay sa atin ng Panginoon ang biyayang piliin hindi ang mga walang halaga kundi pagpasyahan ang mga bagay na lalong mahalaga sa dulo ng buhay, ang mga bagay ng Diyos!




BAKIT KAILANGANG I-SHARE ANG BLOG? sa pag-share, natutulungan natin ang blog na manatili sa internet. kung hindi naii-share ang blog o hindi nakikita ng provider na mahalaga sa mambabasa, may chance na hindi na ito i-host ng provider at hindi na ito makikita sa hinaharap. kaya nga po, pakiusap, basahin, at i-share natin lagi ang blog na ito matapos nating basahin... para sa kaluwalhatian ng Panginoon!



-->

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS