IKA-22 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
TOTOONG KABABAANG-LOOB?
Naitaas ka ng posisyon pero hindi
mo maikwento sa iba dahil baka masabihan kang nagyayabang.
Nalaman mong nakapasok ka sa
scholarship pero hindi ka makapagsaya dahil baka maging mapagmalaki ka.
Lagi kang naglalakad na nakayuko
dahil ayaw mong isipin nilang nagmamataas ka.
Kahit pintasan o siraan ka nila,
umiiwas kang makipag-away kaya tahimik na lang.
Sa pulong, pigil kang magsalita
ng iyong mga iniisip dahil baka sabihin nilang ipinipilit mo ang iyong
kagustuhan.
Sa mga nabanggit na sitwasyon, humble
ka ba? Tiyak, HINDI!!
Inaakala nating ang kababaang-loob
ay isang katangiang nagpapalamuti sa pagkatao, nagpapaganda ng ugali, at
nagpapatingkad ng sarili.
At totoo namang ang kababaang-loob
ay nagpapaganda sa sinumang yumayakap nito.
Pero pag tumigil tayo dito ay
susupilin natin ang kahalagahan ng pagiging mababang-loob. Kalahati lang kasi
ito ng buong tagpo.
Dito rin nagsisimula ang panlilibak
at pagpapanggap sa kababaang-loob na sa katotohanan, ay hindi nakararating sa
antas ng tunay at Kristiyanong katangian ng pagpapakumbaba.
Sinasabi sa atin ng Panginoong
Hesus: ang nagpapakababa ay itataas, at ang nagpapakataas ay siyang ibababa. Pero
ano ang kababaang-loob para kay Hesus?
Hindi ito maging humble para
masabi lang na humble ka. Hindi ito “feeling humble” lang. Hindi rin “mukhang
humble” lang. Hind din maging “bilib” o “kumbinsido” kang humble ka na nga.
Ang tunay na kababaang-loob ay hindi
panloob na ugali lamang. Kung gayon, hindi ito kumpleto. Para maging totoo,
dapat itong makarating sa iba, magpabuti sa iba, mag-inspire sa iba, magtaas sa
iba.
Kaya nga patuloy si Hesus na
nagbigay ng larawan ng tunay na mababang-loob – ang taong nangangalaga sa kapwa,
nagpapatuloy sa mga dukha, at nagbabahagi sa mga may pangangailangan sa kanyang
paglingap.
Ang kababaang-loob ay nagpapabanal
sa tao kung ito ay dumadaloy sa mga kilos na tumutulong at nagtataguyod sa
kapwa niya.
Isang dalagitang magde-debut ang sumira
sa trend o uso sa birthday na sinusunod ng kanyang mga kaibigan.
Habang ang iba ay nagdiriwang ng kanilang
18th birthday sa magarbong party kasama ang mga pamilya at kaklaseng
mayayaman, naisip ng dalagitang ito na magparty kasama ang mga batang lansangan
at mga ulila sa ampunan na hindi pa nakakadalo sa isang tunay na party.
Hindi niya ipinahayag ang kababaang-loob
sa salita, pero nadama ito ng mga nakapaligid sa kanya sa kanyang kilos at
gawa.