IKATLONG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON A
-->
SI HESUS AT ANG
KANYANG KAIBIGAN
Narito na ulit ang karaniwang
panahon. Katatapos lang ng pista ng Pasko at ng ating Santo Nino, balik na
naman tayo sa nakasanayang daloy ng buhay. Mabuhay ang karaniwang panahon!
Ang mabuting balita (Mt. 4:
12-23) ay unti-unting nagpapakilala sa atin sa hayag o lantad na buhay ni
Hesus, ang simula ng kanyang paglilingkod sa kapwa. Paano nga ba nagsimula ang
lahat? Walang announcement, walang piging, at siyempre wala ring paglulunsad,
tulad ng proyekto o career ng isang artista o pulitiko.
Ang paglulunsad kay Hesus ay
bunga ng pagluluksa para sa isa namang tao. Sabi ng mabuting balita, nang
marinig ng Panginoon na “dinakip na si Juan Bautista”, umalis na siya sa
Nazaret, ang kanyang tahanan, ang lugar ng kanyang natatagong buhay, ang ngayon
ay nagsimula nang magbahagi ng liwanag sa mga taong malaon nang naghihintay ng
pangakong pag-asa. Pagkatapos, unti-unti niyang tinawag ang mga alagad niya.
Talagang si Juan Bautista ay
tunay na “kaibigan ng lalaking ikakasal,” si Hesus. Buong buhay ni Juan ay
paghahanda sa pagdating at pagpapakilala kay Hesus sa Israel. Ngayong lumabas
na mula sa lilim si Hesus, si Juan naman ang pumalit doon upang patuloy na
maglaho habang buhay. Naramdaman din ito ni Hesus tungkol sa kanyang pinsan at
kaibigan. Walang duda, malaking inspirasyon si Juan sa mahalagang misyon ni
Hesus mula sa Ama.
Kung kelan tayo ay tila bagsak na
bagsak na, hindi ba may Juan na dumarating para pasayahin tayo kahit konti?
Kung tila sasabog na ang ating ulo, di ba may Juan na biglang dumarating para
tulungan tayong mag-isip ng tama? Kapag tila walang pag-asa, ang Diyos ay
nagpapadala ng isang kaibigan, kamag-anak, o kapitbahay, minsan pa nga, isang
dayuhan, upang mabigyan tayo ng lakas ng loob na huwag manatiling nakaupo
lamang sa bahay kundi tumayo upang makipaglaban sa buhay.
Ipinadala ng Diyos si Juan upang
gabayan si Hesus at palakasin ang loob niya sa simula ng kanyang misyon.
Ngayon, alalahanin natin kung sino ba ang Juan ng ating buhay, na laging
nagpapaalala na huwag susuko, na patuloy ngumiti at maging positibo sa gitna ng
mga pagsubok. Pasalamatan natin ang Panginoon para sa taong ipinadadala niya sa
ating buhay.