IKA-APAT NA LINGGO NG PAGKABUHAY A

-->
ISA LAMANG ANG HUWARANG PASTOL



Matapos ang ilang Linggo na nagninilay tayo sa mga pagpapakita ng Panginoong Muling Nabuhay, ngayon naman ang sipi na pagninilayan natin ay hindi tahasang pangyayari sa Pagkabuhay. Sa halip, ito ay isang katotohanan na kaugnay ng Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo.



Sa Juan 10, inaangkin ni Hesus ang sarili niya bilang huwarang pastol, ang tanging daanan ng mga tupa. Ang hindi dumadaan dito ay tiyak na magnanakaw. Si Jesus ang pastol dahil inaakay niya ang tupa sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa kanila sa tinig na nakikilala nila.



Alam natin na sa simbahan, matapos ang Pagkabuhay at lalo na ang Pag-akyat sa Langit ng Panginoon, nabuo ang mga balangkas ng pamumuno. Nagkaroon ng mga lider para gabayan ang mga tagasunod ni Hesus. Ang mabuting balita ngayon ay isang pagtutuwid laban sa mga panganib na dulot ng pamumuno.



Ang isang pinuno ay madaling nagiging sikat sa buhay ng mga tagasunod. Lumalapit at humahanga sa kanila ang mga tao. Dahil malapit sila sa mga tao, minsan tila para marating mo si Hesus, ito ay sa pamamagitan lamang ng mga lider at ng mga gawain nila.



Pero ayon sa ebanhelyo, kahit may mga lider sa ating pamayanan, si Hesus lamang ang dapat maging napakalapit sa atin, kadikit natin, at hindi ang mga lider. Bakit? Dahil si Hesus lamang ang nagdadala ng buhay ng Diyos sa atin. Ang mga lider natin ay tinaguriang pastol pero huwag kalimutang iisa lamang ang banal na pastol, ang huwarang pastol, ang mabuting pastol at iyan ay ang ating Panginoong Hesukristo.



Tahasang pagtuligsa ang mga salitang ito sa mga lider ng mga Hudyo noong panahon ni Hesus. Pero paalala din ito sa lahat ng mga Kristiyanong naglilingkod.



Sa ating mga simbahan, pamayanan, paaralan, pagawaan, o pamilya, tayo ba ay may gampaning maging gabay ng ating kapwa? Tulad ba tayo ni Hesus? O mas gusto nating “mamuno” kaysa mag-aruga? Gusto ba nating ang “kapangyarihan” kaysa pagkakakilala sa mga pinaglilingkuran? Tayo ba ay “taga-husga” ng iba sa halip na mahabaging pastol tulad ng nag-iisang mabuting pastol?


Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS