IKA-APAT NA LINGGO NG KUWARESMA K
DALAWANG ANAK
Nang malapit nang matalo ang ISIS
sa Syria, maraming mga banyagang supporter nila ang humingi na makabalik na sa
kanilang mga bansa. Sila ang mga taong iniwan ang pamilya, trabaho, pag-aaral
upang makipamuhay o makipaglaban sa ISIS. Ngayon nakulong o nahuli bilang
refugees, gusto daw nilang bumalik at magsimulang muli.
May mga bansang nagpabalik sa
ilan sa mga taong ito at dinala sila sa korte o sa kulungan. May mga bansang
tumutol tanggapin sila muli, at tinanggalan pa ang ilan ng kanilang
citizenship. Maraming tao kasi ang galit sa mga returnees, takot sa banta ng
terorismo, at duda sa kanilang mga layunin. Pero ang mga pamilya ng mga
returnee ay iba ang pananaw. Hiningi nilang pabalikin ang kanilang mga anak,
kahit sila mismo ay nasaktan at napahiya sa ginawa nitong suporta sa ISIS. Kung
matindi ang galit ng marami laban sa mga returnee, ganun naman katindi rin ang pag-aasam
ng mga pamilya na muli silang makita, mayakap, mapatawad.
Ngayon nagninilay tayo sa
pinakamagandang salaysay ng ating Panginoong Hesukristo. Kilala bilang
talinghaga ng alibughang anak, sabi ni Pope Benedict XVI, mas dapat daw itong
tawaging talinghaga ng dalawang anak. Siyempre, ang sentro ng kuwento ay ang walang
kapantay na pagmamahal ng Ama sa dalawa niyang anak – ang lantad na rebeldo
(bata) at ang tago na rebelled (panganay).
Kumpleto ang istorya ng Ama, na
matapos talikuran ay handang magpatawad at tumanggap sa bunso. Kumpleto din ang
istorya ng alibugha na matapos matauhan ay humingi ng tawad at tumanggap ng
pagmamahal at awa.
Tila hindi kinumpleto ng
Panginoon ang kuwento ng panganay. Hindi umalis ang anak na ito ng bahay kahit
maaaring gusto din niyang maging independent. Nasa tabi siya ng Ama subalit
hindi siya nahawa sa puso ng Ama. Nang makita niyang “nabuhay muli” ang kapatid,
nalungkot siya at hindi natuwa. Nakinig kaya siya sa bandang huli sa paliwanag
ng tatay niya? Pumasok at nakisaya kaya siya sa piging? Nagsaya ba siyang buo
na muli ang pamilya nila?
Hindi kumpleto ang kuwento ng
panganay na kapatid dahil patuloy ito sa ating buhay. Marami sa atin ay mga
karaniwang Kristiyano, hindi naman rebelde, sinisikap lang mabuhay sa tama. Pero
kung nakikita natin ang mali ng iba at nakikita nating nagnanais na silang
magbago, handa ba tayo maging tulad ng Ama? Mas madali ang manghusga,
magkondena, ilayo at isara ang puso sa kanila di ba? Ito ang nararamdaman natin
sa mga taong itinuturing na basura ng lipunan, kahihiyan ng pamilya, at sanhi
ng pagkabigo ng ating mga ugnayan.
Ngayong Kuwaresma, pilitin nating
tapusin ang kuwento ng panganay na anak dahil ito ang kuwento ng ating pananaw
sa Diyos at sa ating kapuwa tao.