DAKILANG KAPISTAHAN NG KRISTONG HARI K
ANG HARING AND DULOT AY PAG-ASA
Tadtad ng larawan ng paghihirap
ang media ngayon tungkol sa mga nakaraang kaganapan ng bagyong Yolanda. Matagal bago natin malimot ang
trahedyang sinapit ng ating mga kababayan.
Sa gitna nito, ano ang saysay ng
Kristong Hari na ipinagdiriwang natin ngayon? Pansinin natin ang ebanghelyo sa
araw na ito. Ang tagpo ay ang krus
at si Hesus na nakapako doon. Ano
ang tugon ng mga tao sa isang haring nakapako?
Ang iba, kawalan ng pananalig
tulad ng mga pinuno: kung ikaw nga ang pinili ng Diyos… Ang iba, pagka-siphayo (disappointment)
tulad ng mga sundalo: kung ikaw
nga ang hari… Ang iba, tulad ng isang magnanakaw na nakapako, kawalan ng
pag-asa (despair): iligtas mo
kami!
Subalit ang isang magnanakaw na
nakapako din kasama ni Hesus ay napuno ng isang malaking biyaya: tiwala at
pagpapaubaya (surrender) ng sarili: Hesus, alalahanin mo ako sa iyong kaharian.
Tulad ng mga biktima ng hagupit
ng bagyong Yolanda. Tumatakas na yakap yakap ang kanilang mga imahen ni Hesus
at Mama Mary. Naghahanap sa nawawalang pamilya na hawak ang rosaryo at
eskapularyo. Umiiyak habang nagsisimba sa walang bubong na simbahan. Nagsasabi
na kahit wala na ang lahat, ang Diyos na lamang ang natitirang pag-asa at lakas
ng buhay nila.
Sa ganitong mga tao, ang tugon ng
Panginoon ay pag-asa: isasama kita sa Paraiso. Hindi nagpaliwanag si Hesus
tungkol sa trahedya. Basta niyakap
lang niya ang naghihirap na magnanakaw.
At ngayon ay yakap yakap niya ang nagdurusang mga kababayan natin.
Bilang tagasunod ni Kristong ating Hari, yakapin, samahan,
akayin at tulungan natin sila na makasumpong ng pag-asang naghihintay mula sa
Diyos sa pamamagitan ng ating pagmamahal.
Comments