SAINTS OF JANUARY: SAN FRANCISCO NG SALES


ENERO 24

SAN FRANCISCO NG SALES,
OBISPO AT PANTAS NG SIMBAHAN



A. KUWENTO NG BUHAY

Ang obispong si San Francisco ng Sales ay nagmula sa bayan ng Annecy, Savoy (Switzerland) at isinilang noong 1567.  Doon na rin siya unang nag-aral at nang lumaon ay dumayo sa Paris, France upang magpatuloy ng pag-aaral sa ilalim ng mga Jesuits. Nagpakadalubhasa siya sa Padua, Italy (Padova sa salitang Italiano) sa larangan ng batas; kapwa canon at civil law ang tinapos niya doon.

Inialok sa kanya subalit tinanggihan din niya ang tungkulin bilang senador ng Chambery. Sa halip, pumasok siya sa paglilingkod sa bayan ng Diyos at naging isang pari.

Sa panahon niya ay lumalaganap ang Protestantismo sa Europa at ang bansang Switzerland ay mabilis na napasok ng mga aral ng batikang Protestante na si John Calvin.  Nagtiyaga si San Francisco na labanan ang pag-usad ng sangay ng Protestantismo na tinatawad na Calvinism.  Naging matagumpay naman siya sa kanyang pakikibaka at maraming mga tao ang nagbalik muli sa simbahan dahil sa kanyang paliwanag at turo.

Sa Chablais, ang lugar kung saan halos lahat ay sumapi na kay Calvin, nakita ang galing ni San Francisco, nang unti-unting mabawi niya ang pananampalataya ng mga tao pabalik sa simbahang Katoliko.  Sumibol muli ang pag-asa ng simbahang Katoliko doon at muling natatag ito sa puso ng mga tao.

Naging delikado naman ang buhay ni San Francisco dahil sa galit ng ilang mga Calvinists na nais siyang patahimikin at patayin.  Subalit hindi naging sapat ito upang umurong si San Francisco sa kanyang krusada na itanim muli sa isip at puso ng mga tao ang pagmamahal sa tunay na pananampalataya.

Sa gulang na 32, naging katuwang na obispo siya at sa gulang na 35 siya na ang naging obispo ng Geneva, Switzerland.  Sa loob ng 20 taon, buong puso niyang pinaglingkuran ang kanyang mga nasasakupan at nadama ng lahat ang kanyang pagmamahal sa mga pari niya at sa mga binyagang Katoliko na nasa kanyang pangangalaga.

Namuno ang obispong ito sa pamamagitan ng salita at lalong higit sa pamamagitan ng halimbawa ng kanyang buhay.

Kung natatandaan pa natin, naging magkaibigan si San Francisco at si Santa Juana Francisca de Chantal.  Magkatuwang nilang itinatag ang religious community ng mga madre na Visitation Order.

Sa kabila ng pakikipagbuno sa Protestantismo, pagtuwang sa mga madre at pagpapalakad ng isang malaking diyosesis, si San Francisco ay nagkaroon pa ng oras upang harapin ang larangan ng pagsusulat ng mga aklat. 

Naging klasiko ang kanyang mga isinulat na aklat para maging gabay sa kabanalan ng mga Katoliko.  Ito ay ang “Introduction to the Devout Life” at “Treatise on the Love of God.” Ilang beses ko nang nabasa ang unang librong nabanggit at napaka-simple, napaka-praktikal at napaka-yaman ng nilalaman ng aklat na ito. Maaari pa rin itong mabili sa mga bookstores at maging sa e-books ay mayroong mga libreng bersyon ng mga aklat na ito. Sana ay magkaroon tayo ng pagkakataon na sulyapan man lamang ang mayayamang mga aral ni San Francisco ng Sales.

Namatay siya noong Disyembre 28, 1622 at inilibing sa araw na ito noong 1623. Taong 1877 nang kilalanin siya bilang isang pantas ng ating simbahan dahil sa katotohanan at kagandahan ng kanyang mga naisulat na aral.


B. HAMON SA BUHAY

Talagang gusto kong i-rekomenda sa mga nagbabasa na bumili o mag-download ng anumang aklat ni San Francisco ng Sales. Isa siya sa mga hinahangaan kong santo at malaking tulong sa ating buhay ang mga gabay na inilahad niya sa kanyang mga aklat.  Basahin natin ang kanyang mga aklat at tuklasin kung bakit dapat siyang mapabilang sa hanay ng mga pantas.

Si San Francisco ng Sales nawa ang maging inspirasyon natin na tahakin ang landas ng kabanalan sa mga simpleng gawain natin araw-araw.


K. KATAGA NG BUHAY


1 Tes 5:12
mga kapatid, hinihiling naming sa inyo na pahalagahan ang mga nagtatrabaho para sa inyo, ang mga nangunguna sa inyo sa daan ng Panginoon, at ang mga nagpapatibay sa inyong loob.
 
 (mula sa "Isang Sulyap sa mga Santo, by Fr. RMarcos)

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS