UNANG LINGGO NG KUWARESMA



ANG PANGANIB NG TUKSO

Sa unang Linggo ng Kuwaresma, dinadala tayo ni Hesus sa isang paglilibot sa disyerto ng mga tukso. Masarap isipin na pati siya ay natukso din. Dahil dito may saysay ang mga tuksong hinaharap natin.  Kung natukso ang Panginoon, normal lang palang matukso din tayo ngayon sa ating buhay.

Dahil sa tukso, maaari tayong tumatag o humina.  Maaari tayong maging kampiyon o talunan. Maaari tayong lumakas o manlupaypay.  Maaari tayong mapalapit o mapalayo sa Diyos.

Ang pinakapangit na tukso ay iyong maniwalang wala na ang Diyos sa paligid natin. Dahil may naranasan kang masama, walang pakialam ang Diyos. dahil may sakit ka, walang kapangyarihan ang Diyos. dahil nasaktan ka at hinamak ng iba, walang Diyos na nagmamahal sa iyo.

Naranasan ito lahat ni Hesus. Sinikap ng demonyo na kumbinsihin siya na ang Diyos ay isang malayo at walang pakialam na Ama. At dahil dito, maaari nang sarilinin ni Hesus ang kanyang buhay at bawat pasya.  Pero alam ni Hesus kung paano harapin ang tukso.  May kahinaan ang tukso – hindi ka kayang saktan nito kung hindi mo ito paniniwalaan.

Humugot si Hesus mula sa kanyang karanasan ng pag-ibig at katapatan at kabutihan ng Ama. Maaaring hindi niya nakita o nadama, pero alam niya sa puso niya na naroroon ang Diyos at nagsasabing magtatagumpay siya sa bawat tukso at bawat pagpupunyagi.  Kung naniwala siya agad sa tukso, magiging mahina si Hesus doon pa lamang. Dahil nilabanan niya ang tukso, umagos na tila baha ang kapangyarihan ng Diyos Ama sa kanyang buhay.

Natutukso ka ba ngayon na tila wala nang Diyos o tila wala na siyang pakialam sa buhay mo? Na iniwanan ka na niyang nag-iisa?

Kumapit sa Ama. Makinig sa kanyang tinig.  Sumunod sa kanyang kalooban. Makiramdam sa kanyang presensya. Maniwala ka sa Diyos at hindi sa bulong ng tukso.  Magtatagumpay ka tulad ni Hesus!

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS