IKA-33 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON, B
TULOY PO KAYO,
PANGINOON!
Ang mabuting balita ngayon na
halos nasa dulo na ng ating kalendaryo, ay tungkol sa pagbabalik ni Hesus sa
kaluwalhatian. Ang una niyang pagdating sa mundo ay payak at simple. ang
ikalawa ay magiging hayagan, maringal, at makapangyarihan.
Maging mga Muslim ay naniniwala
na si Hesus ang propetang magbabalik upang maging hudyat ng katapusan ng lahat.
Kahit hindi sila naniniwalang si Hesus ay Diyos, si Hesus pa rin, hindi si
Mohammad, o ibang propeta ang siyang magbabalik sa mundo. Nakakamangha di ba?
Sa marami sa atin, takot ang
namamayani kapag naisip natin ang pagdating na ito ng Panginoon. Ayaw kasi
natin ng katapusan. Ayaw nating matapos ang ating mga gawain, mga relasyon, mga
plano. Gusto natin ay “forever” iyong walang katapusan, sabi nga ng Aldub.
Subalit para sa mga nagmamahal
kay Hesus, ang pagdating niya ay hindi katatakutan kundi kagalakan. Kung
magbabalik siya upang makipagtagpo sa atin, hindi ba dapat lang tayong magsaya?
Hindi ba dapat lang itong paghandaan? Tiyak may mga bagay na magwawakas (“ang
langit at lupa ay magwawakas”) subalit ang mga higit na mahalaga ay tiyak na
mananatili (“ang aking mga salita ay hindi magwawakas”, Mk 13).
Kung alam nating darating si
Hesus isang araw sa ating daigdig, nararapat lamang na magpundar tayo sa mga
bagay na hindi mapapawi, sa mga bagay na tunay na importante. Nakasalig ka ba sa mga salita ng
Panginoon kesa sa iyong sariling opinyon
o sa mga sinasabi lang ng iba?
Pag-ibig ba, at hindi poot o kawalang-pakialam, ang batayan ng iyong mga
kilos?
Salubungin natin ang Panginoon
nang buong galak!