IKA-APAT NA LINGGO NG ADBIYENTO, K
O INA, AKAYIN MO AKO…
Ang Mabuting Balita ay isang papuri sa ina, na inawit ng isa
pang ina. Ang pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria kay Elisabet ay nagtatapos sa
isang awit ng papuri at pasasalamat sa isang malaking himala. Naramdaman ito ni
Elisabet. Si Maria ang sisidlan ng biyaya ng Diyos. Sa kanyang mumunting
katawan, naroon ang Diyos, at yakap yakap niya ang mundong balot ng kasalanan.
Hindi ordinaryong sanggol ang nasa sinapupunan ni Maria, ito ang Anak ng Diyos.
Pati ang anak ni Elisabet ay napalukso sa tuwa.
Pinagpala ka sa babaeng lahat!
Pinagpala ang iyong anak! Ito ang mga salita ni Elisabet na iniuugnay natin sa
mga salita ng Arkanghel Gabriel. ginagamit natin ito sa tuwing magdarasal tayo
ng panalanging Aba Ginoong Maria.
Malapit na ang Pasko at
naghahanap tayo ng isang makakapagturo sa atin ng tunay na kahulugan ng ating
buhay. Narito si Maria, ina ni Hesus, ina ng Diyos. Sa tulong niya, natututunan
nating pahalagahan ang regalo ng Diyos. natututunan nating tularan ang kanyang
tugon. Nagiging bahagi tayo ng gawain ng pagliligtas. Tingnan natin si Maria at
sa tulong niya, kilalanin ang Anak na dinala niya sa mundo.
Sino ang nakakakilala sa anak na
mas higit kaysa sa isang ina? Hindi lamang sa pagsilang. Naroon ang ina sa
paglaki ng bata, sa pagsunod sa bawat hakbang niya, hanggang sa paanan ng krus,
at hanggang sa pakikiisa sa mga alagad na naghihintay ng kaluwalhatiang pangako
sa kanila.
Laging kasama si Maria sa Pasko
dahil siya ang sagisag nating lahat. Dahil tayo din ay inaanyayahang tanggapin
at isilang at ibahagi si Hesus sa mundong ito, tulad ni Maria.
Ang super-nanay natin, si Maria
ang kapiling natin sa paghihintay sa Pasko. Maglaan tayo ng oras na kasama
siya. Magdasal ng Rosaryo. Maghintay sa Anak ng Diyos kasama ng kanyang Inang
minamahal.