DAKILANG KAPISTAHAN NG PAGBABA NG ESPIRITU SANTO, K
-->
KATUWANG SA AKING
KAHINAAN
Sa isang napakagandang
panalangin, ang tawag sa Espiritu Santo ay “katuwang sa aking kahinaan.”
Nakagugulat itong bagong tuklas na tawag sa Ikatlong Persona ng Santissima
Trinidad, ang Diyos na dumarating ngayong Pentekostes.
Sa buhay, napapaligiran tayo ng
ating mga “kahinaan.” Hindi lamang pisikal – sakit o kapansanan. May kahinaan
din sa emosyonal, sa espiritu, sa isip. May kahinaan sa ugali o pagkatao.
Anumang hadlang sa paglago bilang mga tao at mga Kristiyano ay kahinaan
din. Ano ang iyong tanging
kahinaan?
Ang mga apostol din ay nakaranas
ng kahinaan. Matapos ang kamatayan sa krus ng Panginoon, dumaan sila sa
kalungkutan at paninimdim. Natakot sila sa husga ng iba. Napahiya sila sa
mundo. Kahit matapos ang Pagkabuhay ni Hesus, nanghina sila at nawalan ng lakas
na harapin ang kinabukasan hindi nila alam.
Ipinadala ng Ama at ng Anak ang
Espiritu Santo upang hawakan ang mga apostol kung saan sila lubhan nasasaktan,
nanghihina, natatakot, nanlulupaypay. At lumabas sila sa kanilang lungga, at
ngayon, puno ng buhay at sabik magbahagi!
Tinanggap natin ang Espiritu
Santo sa mga sakramento. Pero dumarating siyang muli upang tulungan tayo sa
ating “kahinaan.” Tayo rin ay may mga takot, duda, tanong, mga gusto at
pagsubok ngayon. Maraming balakid sa ating pagtakbo sa buhay o paglipag paitaas
tungo sa mga pangarap.
Sinasabi ng Panginoong Hesus
ngayon na ang Espiritu Santo ang katuwang natin at gagawin niya ang dalawang
bagay: tuturuan niya tayo at paaalalahanan niya tayo.
O Espiritu Santo, turuan mo akong
isuko sa iyo ang aking buhay. Turuan mo po akong magtiwala sa Diyos sa gitna ng
aking kahinaan. Turuan mo po aking lumakas at tumapang. Akayin po ninyo akong
umasa sa iyo bilang aking lakas at tanggulan. Ikaw ang aking pag-asa at galak!
O Espiritu Santo, paalalahanan po
ninyo ako dahil ako ay makakalimutin. Bumabalik ako sa dating gawi, sa dating
mga kasalanan at pagkakamali. Nalilimutan kong ako ay mahal mo. Mahal na
Espiritu Santo, ipaalala mo po sa akin na laging sa Diyos tumitig, at damhin
ang kanyang pag-ibig, yakap, kalinga. Ang Diyos ay nasasa akin, dahil ako ay
templo ng Espiritu Santo.
Espiritu Santo, katuwang sa aking
kahinaan, halina!