IKA-14 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON K
-->
GABAY SIYA SA ATING
LANDAS
Ang tawag ng Mabuting Balita
ngayon (Lk 10) ay sumunod sa Panginoon sa misyon ng pagliligtas ng mga tao para
sa Kaharian ng Langit. Kaya, ang magdasal para sa marami pang mag-aani sa
anihan ng Panginoon ay laging napapanahon (v 2). Magdasal pa tayo lagi para mas
maraming mga tao, mga pari o madre, misyonero, babae at lalaking binyagan, mga
kabataan at mga pamilya, na magnais tumugon na mag-alay ng sarili sa pagmamahal
sa Diyos at sa kabutihan ng kapwa. Kapag nagdarasal tayo para sa bokasyon,
sarili natin ang ating ipinagdarasal.
Pero ano nga ba ang ginagawa ng
Diyos sa mga taong tinatawang niyang sumunod sa kanya at gumanap ng isang
misyon? Kalimitan, ayaw ng mga taong tumugon kasi ang naiisip nila ay ang
hirap, ang pagsubok at ang mga balakid sa paglilingkod. Pero sinasabi sa atin
ngayon na kumikilos ang kapangyarihan ng Diyos sa mga taong tumutugon sa
ispesyal na misyon ng kanilang buhay.
Ilang beses na nabasa natin sa
Mabuting Balita “saanmang lungsod… saanmang tahanan kayo pumasok…” Ano ba ito?
Binibigyan ni Hesus ang mga alagad ng lakas at tapang na “pumasok” sa anumang
lugar o anumang situwasyon na naghihintay sa kanila. Sinasabi niyang laging kasama siya sa misyon nila, at hindi siya
tatalikod sa kanila.
Kapag sumusunod tayo sa tawag ng
Diyos, sa isang mabuting gawain o misyon, hindi ba’t talaga namang nagbubukas
ang pintuan para sa atin? Hinihipo ng Panginoon ang pusong mga tao upang
tanggapin tayo. Hinihipo niya ang puso nila upang ibahagi din sa atin ang mga
biyayang kailangan natin.
Saanman tayo pumasok, tahanan o
lungsod, ang kapayapaang dala natin ang siyang matatanggap din natin (v 5).
Saanman tayo pumasok, inumin at pagkain, ibig sabihin, anumang kailangan natin,
ay hindi kukulangin (v 7).
Saanman tayo pumasok, pati ang maysakit ay makakaramdam ng ating
presensya (v 9); dahil tayo ay mga kasangkapan ng paghilom at pagpapagaling.
Nararamdaman mo ba ang tawag ng
Diyos para sa ispesyal na misyon ng buhay mo? Hindi kailangang malaking misyon,
basta anumang misyon para sa pag-ibig at paglilingkod sa kapwa – pamilya,
kaibigan, kapitbahay, katrabaho. Magdasal ka para sa biyayang tanggapin ito.
Huwag matakot o mag-atubili. Saanmang lugar o situwasyon ka papasok, nandoon si
Hesus na kasama mo. Sa katunayan nandoon na siyang naghihintay sa iyo para
tulungan kang magtagumpay at maging tapat.