IKA-19 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON K
-->
TULAD NA ISANG
LINGKOD
Higit sa lahat ng panahon, ngayon ang mga tao ay wala nang
pasensyang maghintay. E bakit nga? Kung may fax, email o LBC naman? Puwede pa
rin naman sa post office pero lalo namang bumagal ang serbisyo nito, kaya bakit
pa?
Ang gusto natin ay mabilis, agad-agad na resulta, hindi
lamang sa komunikasyon kundi sa pamimili, pagkain, at pati sa
pakikipag-ugnayan. Wala nang pasensya ang mga tao, kahit pati sa kapwa tao
nila. Isang babae ang handang handang iwanan ang kanyang asawang nahuli niyang
nagluluko, pero dahil nakakita na rin naman siya agad ng kapalit!
Tila dito, makaluma ang Panginoong Hesukristo. Kasi ang
gusto pa rin niya ay iyong naghihintay. Tinuturuan niya tayong maghintay, kahit
na ito ay matagal at hindi sigurado. Ang tiyaga at pasensya sa paghihintay ng
isang lingkod ang gamit ng Panginoong Hesus na halimbawa para sa paghihintay na
dapat nating taglayin sa ating puso.
Iyong matatapat na lingkod ay naghihintay dahil mahal nila
ang kanilang amo. Naghihintay sila dahil sa pag-asang may dadalhin siyang
mabuti sa kanila. Lalo silang naghihintay, lalong lumalago ang kanilang
pag-ibig at pag-asa. Hindi ito madali pero ito ang ugali na totoong huhubog sa
puso natin para maging bukas sa biyaya, maging bukas sa kapwa tao.
Kaya ba nating maghintay sa pagbabago ng asawa? Sa
pagbabalik-loob ng anak? Kaya ba nating maghintay na may pag-asa na nakikinig
ang Diyos sa ating mga panalangin at tiyak na dadamayan niya tayo? Magdasal
tayo sa Panginoon para sa biyaya ng matiyagang paghihintay.