IKA-30 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
-->
ANG DIYOS AT
ANG MAPAGPAKUMBABA
Ang mga pagbasa ngayon ay
nakatuon sa taong mababang-loob sa harap ng Diyos. Sino ba ang mapagkumbaba? Sa
unang pagbasa, Sirac 35, ang mababang-loob ay ang mahirap, ang walang
maaasahang materyal na suporta, ang walang mabalingan na kapwa upang tumulong
sa kanya. Sa ikalawang pagbasa, 2 Tim 4, sinasabi ni San Pablo na siya ay
iniwanan ng lahat, at nang huli, Diyos lamang ang kanyang tunay na kinapitan sa
kagipitan. Sinamahan siya ng Diyos at pinalakas siya.
Sa mata ng Diyos, ang tunay na
mapagkumbaba ay ang taong tumatanggap, nakakaranas at nakakaunawa ng kanyang
tunay na pagiging dukha sa mundong ito at dahil doon ay sa Diyos lamang
bumabaling para kumuha ng pag-asa sa mga pangako ng Panginoon.
Sa Mabuting Balita, nakikita
natin ang publikano na nagdarasal na may tunay na pagsuko sa Diyos. Ang
publikano ay mayaman, maimpluwensya, makapangyarihan. Kahit kinamumuhian siya
ng marami dahil sa pagkolekta ng buwis, dahil may posisyon at ari-arian siya,
marami pa rin tiyak ang nakapaligid sa kanya. Pero bakit bigla siyang naging
mababang-loob?
Siguro may naganap sa buhay niya.
Napagtanto niya na walang dalang kasiyahan ang pera. Natuklasan niyang nandun
lang ang mga tao kapag may ibibigay ka. Napansin niyang ang Diyos lang ang
tunay na matapat mula simula hanggang huli, lalo na sa mga makasalanang
itinatakwil ng iba. Natanggap ng publikano na sadyang dukha siya sa harap ng
Diyos. At ngayon nais niyang matagpuan ang tunay na yaman sa pakikipag-ugnayan
sa Panginoon.
Kailangan kaya natin matatanto na
ang pera, poder, koneksyon at kasikatan ay hindi talaga nagdudulot ng katatagan
at kasiyahan? Bumaling tayo sa Panginoon at humingi sa kanya ng awa, upang siya
ang tunay na maging yaman ng buhay natin.