IKA-PITONG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON
I-LEVEL-UP NA IYAN!
May dokumentaryo tungkol sa iba’t-ibang relihyon sa loob ng
Jerusalem. Nagsalita ang mga Muslim tungkol sa pagpapahalaga nila sa kanilang
relihyon. Nagpaliwanag ang mga Hudyo kung gaano ka-importante ang siyudad na
iyon sa kanila. At isang Kristiyano, na Katolikong nurse ang nagsiwalat ng
damdamin tungkol sa mga hamon ni Hesus. Hindi niya daw maintindihan kung bakit
hinamon tayo ng Panginoon na kapag sinampal sa isang pisngi, ibigay pa ang kabila
(Mt. 5: 58-48). Baka daw magmistulang electric fan naman ang ating mga ulo sa
pagbaling sa kaliwa at sa kanan.
Sa mabuting balita ngayon, tila nga mukhang impraktikal ang
Panginoon a. Sa halip na lumaban, huwag daw gumanti. Kesa magtago para sa sarili,
ibigay sa kapwa ang kailangan nila. Mariin din ang kanyang payo na magmahal
maging sa mga taong nananakit o nangmamata sa iyo.
Pero ang lahat ng ito ay may isang layunin, at iyan ay ang
pagiging ganap. Para sa Panginoon, ang mga tagasunod niya ay hindi ordinaryo,
hindi pangkaraniwang mga tao. Sila ay nabago na. Sila ay liwanag sa dilim. Sila
ay larawan ng mukha, ugali at pananaw ng kanilang sinusundan. Dapat lang na
maging ganap sila, dahil ganito ang kanilang Ama. Kung ano ang ama, ganun din
ang mga anak.
Sa maraming larangan ng buhay, payo sa atin ay huwag maging
pangkaraniwan lamang. Lubos-lubusin na. I-todo na. Abutin kahit mataas o
malayo. I-level up na iyan. Magbuwis buhay na kung kinakailangan. Iisa lang ang
kahulugan. Ibigay ang todo para maging pinakamagaling at makuha ang gantimpala
ng buhay maging sa negosyo, edukasyon, relasyon, at pangarap.
Bilang mga Kristiyano, pwede namang maging tahimik na
tagasunod lamang tayo ng Panginoon. Pwedeng Katoliko o Kristiyano lang sa
pangalan. Pwedeng Kristiyano lang sa kultura or tradisyong sinusundan. Pero hindi natin mararating ang layunin
ng ating buhay – maging mga buhay na larawan ng ating Ama sa langit. Ipagdasal
nating magkaroon ng biyaya na asamin na isabuhay ang pananampalataya nang lubos
at yakapin ang mga hamon ng pag-ibig at pagpapatawad, at paglilingkod na dala
sa atin ng Diyos.