DAKILANG KAPISTAHAN NG PAGKABUHAY NG PANGINOON A
-->
WALANG MAS HIHIGIT
PANG KAPANGYARIHAN
Ang pagsasaad ng mabuting balita
tuwing Pasko ng Pagkabuhay ay halos laging nagsisimula sa mga babaeng dumalaw
sa libingan upang matagpuan na wala na si Hesus doon. Nagulat sila at humanga
dahil ang libingang may bangkay ngayon ay libingang walang laman at
maluwalhati. Ganyan taun-taon tuwing binabasa natin ang mabuting balita ng
Pagkabuhay
Sa mabuting balita ayon kay
Mateo, may kakaibang paglalahad. Pagkatapos ilibing si Hesus at bago ang tagpo
ng mga babae, si Mateo ay bumalik sa tema ng mga punong pari at mga lider Hudyo
na nagpapatay sa Panginoon. Kahit matagumpay nilang naipapatay ang Panginoon,
inaalala ni Mateo ang kanilang galit at poot kay Hesus. Kung sa pagsilang ni
Hesus nais nila siyang ipapatay, ngayon sa kamatayan ni Hesus, ayaw nilang may
maiwang anumang bahid ng impluwesya niya sa lupa.
Nakipagsabwatan sila sa mga
awtoridad upang maglagay ng mga kawal sa labas ng puntod. Nilagyan din nila ang
mahigpit na saraduhan ang libingan para walang makapasok upang kunin o tangayin
ang bangkay at magkuwento na ito ay muling nabuhay. Bakit tila takot sila sa
isang bangkay lamang?
Pero hindi mapipigil ng
kapangyarihan ng tao ang kapangyarihan ng Diyos. Sa huli, si Hesus ang
matagumpay! Walang kadena na makakapigil sa Pagkabuhay. Walang kawal na
makakahadlang sa pag-ibig ng Diyos sa kanyang bayan.
Hindi ba nakalulugod ito sa atin?
Hindi na malaking inspirasyon ang nangyari? Minsan kasi nawawalan tayo ng loob
kapag tila nagtatagumpay ang mga masasaang tao para gawing magulo ang ating
buhay. Minsan akala natin natalo na tayo kahit ang tiwala natin ay sa Diyos
lamang.
Ang tagpong ito kay Mateo ay
magandang pagnilayan ngayong Pasko ng Pagkabuhay, kahit wala ito sa ating
pagbasa. Walang kapangyarihan ang mundo na higit sa Diyos. Walang talino ang
tao na mas mabisa pa sa pagmamahal at habag ng Ama. Ngayong Pasko ng
Pagkabuhay, ipahayag ang kapangyarihan ng Diyos sa iyong buhay. Ipahayag ang
tagumpay ni Hesus na kayang buhayin pati ang tila patay na at matamlay. Ipahayag
na si Hesus ay buhay at maluwalhati!