IKA-14 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON A

-->
ANG PINILI NG DIYOS





 “Pinupuri kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, dahil ang itinago mo sa mga marurunong at matatalino ay ibinunyag mo sa mga maliliit na tao” (Mt. 11:25).



Akma at angkop sa panahon natin ang mga salitang ito ng Panginoon sa kanyang pagpupuri sa Ama. Ngayong 2017 ang ika-isandaang anibersaryo ng pagpapakita ng Mahal na Birhen sa Fatima sa Portugal. Ang debosyon sa Fatima ay kalat sa buong mundo at halos lahat ng parokya sa atin ay may mga programang nagpapakilala ng mensahe ng Fatima sa pamamagitan ng Block Rosary Movement.



Sa pagdiriwang ng sandaang taon, pinili ng simbahan na ituon ang pansin sa dalawang pinakabatang pastol na nakakita sa Mahal na Birhen at kapwa namatay din sa murang edad. Halos 11 taon at 10 taong gulang ang magkapatid na sina Francisco at Jacinta nang sila ay pumanaw, ilang taon matapos ang aparisyon ng Mahal na Birhen sa kanila. Ngayon sila ang pinakabatang mga santo ng simbahan na hindi namatay bilang martir. Pero dumanas sila ng sobrang espirituwal at pisikal na paghihirap at karamdaman. Ang ikatlong bata, ang nagmonghang si Sister Lucia, ay nabuhay nang matagal bilang isang banal na mongha at pumanaw sa edad na 97.



Tandaan po natin na hindi naging santo sina San Francisco at Sta Jacinta dahil nakita nila ang aparisyon ng Birhen. Hindi kailangang makakita ng aparisyon para maging santo dahil karamihan sa mga santo ay walang ganitong karanasan. Naging santo ang mga batang ito dahil sa kabila ng kanilang kahirapan at kamangmangan, sa kanila ibinunyag ng Diyos ang kanyang saloobin, tulad ng nasabi sa Mabuting Balita ngayon.



At hindi lamang nila natanggap ang pagbubunyag ng mensahe ng Diyos kundi sila ay matapat na tumugon sa ipinagkatiwala sa kanila. Matapos nilang makita ang aparisyon, napansin ang kanilang pagbabago. Naging mas madasalin. Naging mas mapagmahal at mabuti sa kapwa. Nagkaroon sila ng pagnanais na magsakripisyo para sa mga makasalanan. Ang pag-ibig nila sa Diyos at lumalim at lumago pa. Bata man sa edad, ang kanilang pananampalataya ay yumabong, at nakita ito lalo na sa pagharap nila sa kanilang malagim na kamatayan na taglay ang kapayapaan, kagalakan, at pananabik sa Diyos.



Laganap sa mundo ngayon ang karunungan ng siyensya, ng teknolohiya, ng pilosopiya. Sino ang makakaisip na ang kukunin ng Diyos na modelo ng pananampalataya at pag-ibig ay dalawang paslit na walang kayamanan, edukasyon, at layaw sa buhay.



Dasalin natin sa mga santong sina Francisco at Jacinta na akayin tayo sa lalong malalim na pagmamahal sa Panginoong Hesus at sa ating Mahal na Inang si Maria.


Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS