DAKILANG KAPISTAHAN NG PENTECOSTES B
KAPAYAPAAN,
PAGPAPATAWAD
Ang taluktok ng Pagkabuhay ay ang
kapistahang ito ng Pagdating ng Espritu Santo. Ipinangako ni Hesus, ang
Espiritu ay isinugo ng Ama sa pamamagitan ng Anak sa mga alagad at sa sambayanan. Kung sa aklat ng Gawa, naroon ang
publikong pagpapahayag, sa aklat ni Juan, naroon ang pribadong paggagawad ng
Espritu sa mismong araw ng Pagkabuhay.
Nagpakita ang Panginoong Hesus sa
mga natatakot na alagad. Ang una niyang ginawa ay pagkakaloob ng kapayapaan.
Bakit kapayapaan? Naramdaman kasi ng Panginoon ang sindak sa puso ng mga ito.
At bakit hindi sila matatakot? Sila na ang kasunod na target ng mga kalaban ni
Hesus. Ang handog na kapayapaan ay tila bukal na umaagos sa pagmamahal at
kapanatagan. Hindi na sila mamumuhay sa pagtatago, hiya o hilakbot man.
Payapang lulunsad sila sa bagong misyon sa buhay.
Pagkatapos isinunod ni Hesus ang
kanyang tunay na kaloob, ang pinakadakilang regalo: “Tanggapin ninyo ang
Espiritu Santo!” Sa kanyang buhay, nagsalita at gumawa si Hesus na may
kapangyarihan, paninindigan at lakas, dala ng Espiritung lagi sa kanyang puso.
Ngayon ang Espiritung ito ay pumasok naman sa puso ng mga alagad. At mas madali
nang maunawaan ang kasunod na mga salita: “ang inyong patawarin ay patatawarin;
ang hindi ninyo patawari ay hindi rin
patatawarin.”
Ano ang kaugnayan ng Espiritu at
ng pagpapatawad? Sa pagbibigay ng kapayapaan, pinawi ni Hesus ang takot sa puso
ng mga alagad. Sa pagbibigay naman ng kapatawaran, ipinanatag ni Hesus ang gulo
ng kanilang budhi. Pinatay nga si Hesus ng mga kaaway niya, subalit ang
pagtatwa, pagtalikod at pag-iwan ng mga alagad ay kasing sakit o mas masakit pa
dito. Habang magkakasama ang mga alagad “dahil sa takot sa mga Hudyo,” sa totoo
lang, takot din sila sa Panginoong kanilang tinakbuhan, at takot sa kanilang
mga sarili na alam nilang puno ng kahinaan at karuwagan.
Sa paggagawad ng Espiritu, pinatawad
ni Hesus ang mga alagad. Sa pagtawag sa kanila bilang mga kasangkapan ng
kapatawaran, ginawa ni Hesus na kumpleto ang proseso ng kanilang paghilom,
pagpapanumbalik, at paglikha bilang mga alagad na may bagong pagkatao at bagong
misyon sa mundo.
Anu-ano ba ang kinatatakutan mo
ngayon? May pagkakamali, kahinaan o kasalanan ka bang umuukilkil sa iyong isip
at puso? May pumipigil ba sa iyo na magmahal at magmalasakit sa kapwa? Taglay
ang pananampalataya, buksan natin ang puso sa kaloob na Espiritu Santo.
Tanggapin natin ang kanyang lakas ng
loob. Tanggapin natin ang kanyang galak. Mamuhay tayong muli nang payapa at
naghilom na! Halina Espiritu ng kapayapaan at kapatawaran, sa aming buhay!