IKA-26 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B
DIWA NG PAGTANGGAP
Nabubuhay tayo sa mundong hati at
lalo pang nahahati. Kung paano tayo pinag-uugnay ng teknolohiya sa pagbabasa ng
parehong balita, panonood ng parehong pelikula, pakikipagtalastasan sa parehong
mga apps, siya namang tumitindi ang mga pagkakawatak ng mga tao ngayon.
Maraming puwersa sa lipunan at
pamahalaan ang nagdudulot ng hidwaan ng mga tao na iba’t-iba ang kulay – pula o
dilaw; magkasalungat ang kampo – makatao o elitista; hindi pantay na uri –
tanggap o di-tanggap na mga migrante, at iba pa. Maging sa mga maliliit na
lugar tulad ng simbahan, pamayanan, paaralan, at tahanan natin, may mga
pagkiling sa paghihiwalay, pagtatakwil at pagbubukod ng mga tao.
Walang kinikilalang hangganan ang
Espiritu ng Diyos. Sa Lumang Tipan, bumaba ang Espiritu sa mga lalaking hindi
inaasahan na tatanggap nito. Sa mabuting balita, tumanggi ang Panginoon na
maki-ayon sa mga alagad na magtakda ng bakod ng pagkakalayo mula sa mga taong hindi
pamilyar sa kanila. “Sinumang hindi laban sa atin ay para sa atin.”
Itong pananaw na ito ni Hesus ang
dapat nating ipagdasal na matutuhan, maisaloob at maisabuhay sa ating
pakikipag-ugnayan sa mga tao sa ating paligid. Sa halip na maglayo, nagsisikap ba
tayong mag-ugnay at maging daan ng pakikipagkasundo? Kaysa magkondena,
sinusubukan ba nating magpakita ng unawaan at habag? Nanghuhusga ba tayo o
sinusubukan nating tuklasin ang Espiritu na kumikilos sa mga lugar na lampas na
sa bakod ng ating simbahan, pamayanan at pamilya?
Batid ng Panginoong Hesus ang kapangyarihan
ng pagkakaisa at mabuting pagsasamahan. Kapag nagkaisa ang mga tao sa puso at
isipan, makapagsisimula na ang gawain ng pagbabago. Masisimulan na ang pagsugpo
sa kasamaan sa ating sarili at sa ating daigdig. Makakapagbigay suporta tayo sa
sama-samang paglaban sa tukso at pag-iwas sa kasalanan. Ipagdasal nating maging
mga kasangkapan ng pagkakasundo at pagkakaisa sa ating mundo ngayon.