IKA-31 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
MAKASALANAN OO, BUGOK
HINDI!
Hindi ko alam kung ilan ang mga
santo sa mundo natin ngayon?
Ang tunay na santo ay hindi alam
na siya ay banal na; at kung may hinala man siya, itatago niya ito sa iba.
Pero sigurado akong maraming
makasalanan sa paligid natin; at unang-una na… (tada!) iyong nasa puso ko!
Dalawa daw ang klase ng
makasalanan sa mundo ngayon – ang bugok at ang simpleng makasalanan.
Ang bugok na makasalanan, alam
niya ang kanyang kalagayan… at humihinto na siya doon. Walang planong magbago.
Wala ring pagnanasang maging iba
pa ang landas ng buhay kasi feeling niya wala na siyang pag-asa.
Kahit sa Diyos, ang bugok na
makasalanan ay naniniwalang walang kapangyarihan, kahit mula pa sa langit, ang makatutulong
sa kanya.
Kaya mula sa makasalanan nagiging
bugok na siya; mula sira nagiging agnas na; mula sa nangangamoy nagiging
mabantot na talaga. Kaya nga bugok e! Parang itlog na bugok; puti ang labas
pero bulok sa loob at mabaho pa!
Ang simpleng makasalanan din alam
niyang masama siya, tulad ni Zacheo sa ebanghelyo ngayon (Lk. 19).
He siya makapagtago sa iba dahil
alam nilang makasalanan nga siya.
Pero ang simpleng makasalanan ay
may pusong bukas, kahit kaunti man, sa pagkakataong magbago pa.
Kaya nga naghintay si Zacheo sa
ibabaw ng puno sa pagdaan ni Hesus. Kaya nga binuksan niya ang kanyang bahay
nang dumalaw si Hesus sa kanila.
Kaya mabilis niyang iniwang ang kayamanan
upang sundan ang Panginoon.
Ang simpleng makasalanan ay
nalulugmok maraming beses bawat araw… pero tumatayo din nang ganun karaming
beses araw-araw.
Makasalanan oo, pero sa puso niya
may pananalig na sasaluhin siya ng Diyos.
May pag-asa pa siyang
pagagalingin ng Panginoon ang kanyang mga sugat.
Nararamdaman niyang mahal siya ng
Diyos at nais niya ring ibalik ang pagmamahal na ito – kahit unti-unti at
dahan-dahan man lamang.
Ang simpleng makasalanan ang nagiging
santo! Bakit?
Dahil nasa piling siya ng marami
pang tulad niya. Nariyan nga si Zacheo, si San Pedro, San Agustin… at marami
pang iba na nagsimula din mula sa ilalim.
Takot tayo minsan na ituring ang sarili
na makasalanan.
Tumatanggi tayong tingnan ang ating
kahinaan at wasak na kalagayan dahil akala natin ay itatakwil tayo ng Panginoon
kapag masama tayo.
Hindi natin matanggap ang sarili
natin.
Pero walang masamang maging isang
simpleng makasalanan. Ang mapanganib ay maging isang bugok na makasalanan.
Alin sa dalawa ang gusto mo para
sa sarili mo?