IKA-16 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A


MAHABAGIN AT MAKATARUNGAN



 

Nakakakilabot talaga.

 

Isang tigas-mukhang pulis ang nakaluhod sa leeg ng isang taong nakahandusay sa bangketa habang nakapalibot ang iba pang mga pulis.

 

Ginupo nila ang tao habang inaaresto; kitang-kita sa mga video na naghahagilap siya ng hangin. Ang pulis naman, patuloy na nakaluhod sa leeg niya hanggang mawalan siya ng malay.

 

Habang nasa ambulansya patungo sa ospital, inatake sa puso ang tao at namatay. Kumalat ang video ng tagpong ito at nagdulot ng galit at protesta, at maging ng karahasan at pagkasira sa mga lungsod ng Amerika.

 

Iba talaga ang kapangyarihan. Minsan nagtutulak itong maging marahas at walang pakialam sa paghihirap ng kapwa. Ang taong may power handang ipataw ang kapangyarihan niya sa ibang ang tingin niya ay mababa sa kanya.

 

Ibang-iba ang larawan ng Diyos sa pagbasa natin ngayon (Aklat ng Karunungan 12): “Walang hanggan ang kapangyarihan mo ngunit mahabagin ka kung humatol. Maaari mo kaming parusahan kailanma’t ibigin mo, ngunit sa halip ay pinamamahalaan mo kami nang buong hinahon at pagtitimpi.”

 

Nasa kamay ng Panginoon lahat ng kapangyarihan; siya ang amo ng lahat niyang nilikha; hawak niya ang susi ng buhay at kamatayan. Sa kabila niyan, hindi siya nagmamagaling sa kanyang kapangyarihan.

 

Sa halip, ipinapahayag niya ang kanyang pagmamahal, habag, paglingap…

 

Kaya kakaiba ang disiplina ng Diyos, mas kapani-paniwala at tunay na makatarungan. Itinutuwid niya tayo hindi para parusahan lamang. Ang disiplina niya ay para sa pagbabago, pagpapanariwa, pagbabalik natin sa landas ng kanyang pag-ibig.

 

Sa pakikitungo niya sa ating mga makasalanan, mahina at marupok, ginagamit ng Diyos ang gamot ng habag, hindi ang kasangkapan ng takot at paghihigpit.

 

Maraming tumatalikod sa pananampalataya dahil ang nakilala nilang Diyos ay isang galit na hukom, walang-pusong pulis, o malupit na magulang.

 

Ang Panginoong Hesus, sa talinghaga ngayon, ibang pananaw ng Diyos ang ipinakikilala sa atin (Mt 13: 24-30). Sabay niyang pinababayaang tumubo ang trigo at ang damo.

 

Sa pamamagitan nito, sinasagot niya ang palaisipan sa atin: Bakit hindi pa lipulin ng Diyos ang masasama at itira na lang ang mabubuti? Bakit lalong dumadami ang masasama?

 

Ang Diyos ay isang Ama – puno ng pagtitimpi, puno ng pasensya, puno ng awa at pag-asa. Nagpapasensya siya sa lahat dahil para sa kanya, may pagkakataon pang maghangad at magsabuhay ng pagbabago.

 

Ganito mo ba nakikilala ang Diyos o baka panahon nang tuklasin mo ang tunay niyang mukha sa buhay mo?

 

Sa harap ng ganitong Diyos, ang tanging tugon natin ay kababang-loob, pasasalamat at mga bukas na puso.

 

 

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS