IKA-22 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

 


LABAN LANG!

 

 

 

Isang kaibigan ang nagbahagi ng kanyang sinulat na pagninilay sa pinagdaanan niyang sigalot sa kanyang buhay-may asawa. Dumating kasi sa puntong napakahirap na.

 

Nais na niyang tumalikod; huminto, humanap ng bagong buhay, yung walang stress!

 

Naliwanagan siya sa isang retreat na dinaluhan niya, sa masusing panalangin, at sa gabay ng mabubuting Kristiyano. Nagbalik sa kanya ang kahulugan ng buhay, ng pag-ibig at pamilya.

 

Ngayon, isa na lamang ang nais niyang gawin; ang nais ng Diyos na kanyang gawin.

 

At iyan ay ipagpatuloy ang kanyang pananagutan, hindi bilang obligasyon kundi bunga ng pag-ibig sa Diyos at sa mga taong umaasa sa kanya. Sabi nga ng mga Korean – Fighting! Laban lang!

 

Sa unang pagbasa (Jer 20) nakita natin ang isang pagod at lupaypay na propeta. Ginawa niya ang misyon na atas ng Diyos. Matapat siya. Pero bakit ang daming hirap at problema?

 

Sa sobrang hirap, nagalit siya sa Panginoon at aayaw na daw siya. Babalik na lang sa tahimik at normal na buhay. Hindi na niya babanggitin ang pangalan ng Panginoon.

 

Pero sa puso niya, iba ang nagaganap: “para namang apoy na naglalagablab sa aking kalooban ang iyong mga salita, apoy na nakakulong sa aking mga buto.  Sinikap kong tiisin ito, ngunit hindi ko na kayang pigilin pa.” naunawaan niyang hindi ganoon kadaling huminto kasi:

 

Salita ng Diyos ang nangungusap sa kanya – nagbibigay ng pagpapala, tulong at pagmamahal

 

Ang Salitang ito ay nasa puso niya – tinanggap niya dati at bahagi na ng buhay niya ngayon

 

Ang Salita ay tila apoy na nagliliyab – ito ang talagang mahal niya at ipaglalaban niya sa harap ng tukso at pagsubok.

 

Nagkaroon na ba ng sandali sa buhay mong parang wala ka nang ganang magpatuloy pa? dahil sa mga problema na dumarating sa mga ugnayan, trabaho, kasunduan, o sa buhay kaya, naisipan mo na bang sumuko?

 

Ang hirap pa naman ng panahong ito ng pandemya para sa ating lahat. Sandamakmak ang mga pagsubok.

 

Tulad ng propeta Jeremias, baka kailangang pakinggan ang puso, at tuklasin ang tunay na nais mo, ang tunay na mahalaga at mahal sa iyo.

 

Kailangan nating makinig sa Salita ng DIyos; doon ang Diyos ay nagbibigay inspirasyon at gumaganyak sa atin na magpakatatag at maging positibo.

 

Ang pagsuko ay hindi solusyon. Ang pagtigil ng hakbang ay hindi tugon. Kapag naging malubak ang daan, ang tanging paraan ay pasulong na tahakin pa ito… kasama ang Panginoon bilang kalakbay.

 

Paalala ng Panginoong Hesus sa Mabuting Balita (Mt 16) na dapat nating pahalagahan ang mga krus ng ating pang araw-araw na buhay.

 

Hindi natin matatakasan ang krus. Pero maaari natin itong pasanin para sa huli, makarating tayo sa karanasan ng buhay.

 

Medyo kakaiba sa pandinig, pero totoo! Ang nagpapasan ng krus ang siyang nakararating sa bukal ng masaganang buhay.

 

Hindi madali ang buhay, kaibigan, kaya nga sabi ng mga kapatid nating Korean: Figthing! Laban lang!

 

(paki-share sa kaibigan)

 

 

 

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS