IKA-29 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A


KASANGKAPAN SA KANYANG MGA KAMAY

 


 image from the internet


 

Nitong nakaraang lockdown, dalawang magkapitbahay ang nagkrus ang landas. Ang una ay isang maka-Diyos na biyuda na natigil sa pagtitinda ng isda. Ang isa naman ay isang maykayang retiradong hindi naniniwala sa Diyos.

 

Nagdadasal ang biyuda araw arawa para sa pagkain at iba pang pangangailangan, sa paniwalang bahala sa kanya ang Diyos, at nagpapasalamat tuwing may tatanggaping biyaya. Nadidinig ng kapitbahay na retirado ang kanyang dasal at lihim siyang pinagtatawanan dahil sa simple niyang pananampalataya.

 

Dahil uso ang “prank” naisip ng retiradong ateista na lokohin si biyuda. Lihim siyang naglagay ng isang basket ng pagkain sa harap ng pinto nito. Nagulat ang biyuda sa dami ng pagkain at agad lumuhod sa altar at nagpasalamat. Bigalang sumigaw ang retiradong ateista: Uy, ako ang naglagay niyang mga pagkain. Hindi pwedeng magmula iyan sa Diyos dahil walang Diyos!

 

Nang marinig ito ng biyuda, patuloy siyang nagdasal at nilakasan pa niya ang boses niya: Panginoon, Salamat po at pati ang demonyo ay ginagamit mong kasangkapan para makarating sa akin ang iyong tulong. Lagi ka talagang nakikinig sa aming mga aba!

 

Pagkakamali talaga kung iisipin nating diretso ang Diyos kung kumilos sa ating buhay na tila himala at hiwaga ang lahat. Totoong nagaganap ito pero kadalasan ang kilos ng Diyos ay pinadadaan niya sa pamamagitan ng mga tao at ng mga materyal na kasangkapan.

 

Kinikilala ng mga Israelita na malaking instrumento ng Diyos si Haring Siro (Is 45) na siyang nagpalaya sa kanila at nagpauwi sa kanilang sariling bayan mula sa pagkakatapon. Ginamit daw ito ng Diyos upang makabangon at makapagsimulang muli ang bayang Israel.

 

Sa Mabuting Balita, sinasabi ng Panginoong Hesus sa atin: ibigay kay Cesar ang para kay Cesar… na ang pahiwatig ay ang mga pinuno sa lupa ay may basbas ng Diyos. Sa pamamagitan ng mga nais maglingkod sa kanilang kapwa sa lipunan, ang presensya at pagtangkilik ng Diyos ay nakararating sa mga dukkha, kabataan, mahihina, at mga mapagmahal sa kapayapaan na mamamayan.

 

Sa ating Kristiyanong kapaligiran at sa kultura ng iba pang mga sumasampalataya, mahalaga nga na ang mga pinuno ng lipunan ay makaunawa na sila ay kasangkapan ng isang mas higit na kapangyarihan, mas mataas na batas, mas dakilang misyon. Hindi sila ang sukdulang mga pinuno kundi mga katiwala lamang ng Diyos na nagmamahal at kumakalinga sa kanyang bayan.

 

Ang pagbibigay kay Cesar (emperador ng mga Romano) ng dapat sa kanya – paggalang at pakikiisa – ay nangangahulugan din ng pagbibigay sa mga pinuno ngayon ng nararapat at kailangan sa kanilang tungkulin – tapat na komento, paghamon tungo sa pagiging makatotohanan at bukas, panawagan sa katarungan at kapanatagan ng lahat.

 

Hindi maaaring maghasik ng katahimikan at takot ang sinumang lider, hindi pwedeng gumamit ng paninindak at panggigipit, pamimilit at pagsupi. Kung ganun ang gagawin, hindi na silan kasangkapan ng Diyos; lalampas sila sa hangganan na itinakda ng Panginoon. Magsisimula silang paglingkuran ang sarili at hindi ang kanilang mga kapatid.

 

Malungkot isiping ngayon saksi tayo sa lumalagong kasakiman ng mga lider lipunan; ang kanilang kalyadong konsyensa sa korapsyon; ang kanilang walang isip na pasya na ang pinapaboran ay mga mayayaman, makapangyarihan at kaalyado lamang kaysa mga mahihirap, mahihina at walang masandigang mamamayan.

 

Kailan natin silang ipagdasal. Dapat din namang paalalahanan na ang kanilang kapangyarihan ay hiram lamang sa pagboto ng mga tao, at sa katunayan ay hiram lamang sa Diyos.

 

Paki-share sa isang kaibigan…

(p.s. malapit na ang celebration ng 500 yrs of Christianity sa ating bansa... magbasa at balikan ang kasaysayan... magpasalamat!)

 

 

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS