IKA-18 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

 


MAS MAINAM ANG TUNAY NA TINAPAY

JN 6: 24-35

 


 

 

Ang hilig nating mga Pinoy manggaya. Kasi mura, nakakayanan at halos katulad na ito ng orig. Sa Baguio, may ube jam na gawa ng “Good Shepherd,” at may nagtitinda naman ng ube na “Like the Good Shepherd.” Di ba dati tinapatan ang McDonald’s fries ng Mang Donald’s fries? At tawa talaga ako dito: sa tapat ng 7-11 sa isang lugar, may nagtayo ng tindahan na ang pangalan ay 8-12!

 

Nakakain ang mga Hudyo ng tinapay na pinarami ni Hesus at naalala nila ang tinapay o manna na kinain ng kanilang mga ninuno sa disyerto. Akala nila ito rin ang tinapay na ibinigay at ibibigay pa sa kanila ng Panginoon. Paliwanag ni Hesus, ito ay paghahanda lamang sa isang pagkaing lubhang kakaiba at lubhang bago para sa kanila.

 

Ang tinapay sa disyerto ay hindi totoo, kundi gaya-gaya lamang sa parating pa, at panandalian lamang itong lunas sa kalam ng sikmura. Ang Tunay na Tinapay ay nagbibigay ng buhay na walang hanggan, nagmumula sa Diyos sa langit, at hindi tumutukoy sa harinang niluto sa pugon, kundi sa kanyang sarili mismo.

 

Ang tumanggap ng Tinapay na ito ay tatanggap ng buhay na walang hanggan. Ang tumanggap ng Tinapay na ito ay pakikipagtagpo sa Diyos na bumaba dito sa lupa. Ang tumanggap ng Tinapay na ito ay ang makasumpong ng sustansya ng kaluluwa at katawan.

 

Ang Tinapay na tinutukoy ni Hesus ay ang Eukaristiya. Bilang mga Katoliko naniniwala tayong hindi karaniwang Tinapay ang ating tinatanggap kundi mismong si Kristo na nagsabi: “Ako ang Tinapay na nagbibigay-buhay.” May hiwagang kaakibat ang Komunyon dahil ang tatanggapin natin ay kaloob ng Ama mula sa langit, regalo ng Anak ng kanyang buong buhay. Ang pagtanggap sa Komunyon ay ang pagtayo sa Presensya ng Panginoon. Nakapakamakapangyarihang sandali ito ng pakikipagtagpo sa Diyos na nasa langit, subalit sa hiwaga, ay naririto din bilang pagkain natin ngayon, bukas at sa lahat ng sandali… hanggang makarating tayo sa walang hanggan.

 

Minsan ba nakatanggap ka ng Komunyon dahil nakaugalian mo lang ito? Lagi ka bang tumatanggap ng Komunyon na handang makaharap at makatagpo ang Panginoon na may pananabik at galak?

 

 “Bigyan mo po ako, Panginoon, ng biyayang mabatid na sa Misa, inaanyayahan mo ako sa iyong Presensya kayat dapat akong lubos na mulat at tutok sa pagsamba sa iyo. Ituring ko nawang kayamanan ang Eukaristiya bilang sandali ng pakikipagtagpong magbabago ng aking buhay at gagawa sa aking mapagpakumbaba at mapagmahal sa ugnayan ko sa kapwa. Amen.”

 

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS