IKA-19 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

 


BULONG VS. BULUNG-BULUNGAN

JN 6: 41-51

 

 


 

Ang “bulung-bulungan” ay kakaiba sa “bulong.” Ang bulong ay para huwag kang marinig ng iba. Ang bulung-bulungan ay para marinig ka ng iba at ma-impluwensyahan mo sila. Ang bulung-bulungan ay tanda ng pagtutol, ng pag-aaklas, ng pag-ayaw. Kaya nga sa turo ni San Benito, isang pinakamalaking kasalanan ng isang monghe ay ang magbulung-bulungan sa loob ng monastery. Nakakasira kasi ito ng kapayapaan ng isip; nakakasira ng pagkakaisa at kapayapaan ng pamayanan; nakakahawa ito sa iba sa negatibong paraan.

 

Nagbulung-bulungan ang mga Hudyo laban kay Hesus dahil hindi sila makapaniwala sa kanyang pahayag. Paano ang simpleng taong ito ay magmumula sa langit? Paano siya magiging Tinapay ng Buhay na dulot ng Ama para sa buhay ng mundo?

 

Bilang mga Katoliko, ipinapahayag natin ang pananampalataya sa Eukaristiya. Dahil sinabi ni Hesus na siya ang TInapay ng Buhay, tugon natin ay “Amen” kapag tinatanggap natin ang kanyang Katawan sa Komunyon. Sinasabi din natin ang “Amen” na ito kung sinasamba natin ang Panginoon sa tabernakulo sa altar o sa Adoration Chapel. Walang bulung-bulungan. Buong puso lang tayong bumubulong na may malalim na pananampalataya: “Opo, Panginoon, naniniwala po ako sa iyong sinasabi.”

 

Kaydaming mga Kristiyano na nagsasabing naniniwala sila sa mga salita ng Bibliya… sa katunayan, sa mga salitang matatagpuan lamang sa Bibliya. Pero bakit, tulad ng mga Hudyo, nagbubulung-bulungan sila pagdating sa aral ni Hesus tungkol sa Tinapay ng Buhay? Hindi nila matanggap ang Eukaristiya bilang Tunay na Katawan ni Kristo. Giit nila, ito ay sagisag lamang, paraan lamang ng pagpapahayag, paglalarawan lang.

 

Pero hindi sinabi ng Panginoong Hesus sa Bible na “Ako ang Panginoon!” o “Ako ang Tagapagligtas!” o “Ako ang Diyos!” pero pinaniniwalaan natin na siya ang Panginoon, Tagapagligtas at Diyos, hindi ba? Subalit tahasang sinabi ng Panginoon: “Ako ang Tinapay na nagbibigay-buhay!” at dito, ang ibang mga Kristiyano ay nagbubulung-bulungan.  Sa susunod na dadalo tayo sa Misa at tatanggap ng Eukaristiya, ibulong nating tahimik subalit madiin ang ating pagsang-ayon, paniniwala, pananampalataya sa aral, salita, at mensahe ni Hesus – na siya nga ang Tinapay ng Buhay!

 

 

 

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS