IKA-21 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
ANG ARAL NA AYAW PAKINGGAN
LK. 13: 22-30
Tahimik akong nakapila sa likod para bumoto nang may kumalabit: “Tay, doon po kayo sa pila ng senior citizen. Mapapabilis po kayo.” “Hindi pa naman ako senior,” sagot ko. E mali pala ang presinto kong pinilahan kaya takbo agad ako sa tamang presinto at tumayo uli sa likod ng pila. Maya-maya, may lumapit: “Huwag po kayong pumila diyan sa likod. Una po ang mga senior citizen.” Sa sandaling iyon, nagpasya ako na maging senior citizen na nga ako para makaboto at makauwi nang maaga!
May mga aral sa ebanghelyo na matagal bago natin maunawaan, sang-ayunan at tanggapin. Marami pa nga ang sumasalungat sa mga ito. Sabi ng Panginoong Hesus: “Piliin ang makipot na daan…” Bakit naman, e mabagal diyan at perwisyo. Mas maganda sa maluwag na kalsada. Sabi ng Panginoon: “Ang nauuna ay mahuhuli, ang nahuhuli ay mauuna.” At sa isip natin, hindi tayo narito para magpahuli kundi upang makipag-karera at manalo pa!
Tutol tayo sa mensaheng ito, hanggang karanasan na ang magturo sa atin na may aral nga ang pagbagsak sa lupa. May katotohanan pala ang kasabihang “ang daan pataas ay sa ibaba” at “ang daan pababa ay sa Itaas.” Pero kung walang karanasan hindi natin makikita o pagtitiwalaan ang mga salitang ito. Gusto natin lahat… huwag lang ang bumagsak sa ibaba, dumaan sa makipot, tumayo sa huli, magbago, at mamatay sa iba’t-ibang aspekto ng buhay.
Kahit mga Kristiyano at batid ang mga turo ni Kristo at ng simbahan, sa buhay natin, pinipili natin ang magmaang-maangan, ang kumportableng relihyon, ang prosperity Gospel, at mga konsuwelo ng buhay. Takot tayo sa sakripisyo, dusa, disiplina, at pagtitimpi na siyang pahayag ng Salita ng Diyos. Sunud-sunuran tayo sa mungkahi ng daigdig… hanggang mismong karanasan natin ang magturo sa atin kung nasaan talaga ang tama.
Hawak ng Panginoong Hesus ang sikreto ng pag-unlad ng kaluluwa. Natutunan ng mga santo ang halaga ng espirituwal kaysa materyal, ng payapang isip kaysa yabang at kahambugah, at ng kababaang-loob kaysa posisyon at kapangyarihan. Nakita ito ni Sta. Teresita sa kanyang “munting landas,” at ni San Francisco s kanyang “landas ng kapayakan.” Sila ang mga nakatuklas ng espiritualidad ng pagiging hindi agad perpekto, ang landas ng mga sugatan. Sa bandang huli, ipinakita ng kanilang buhay ang dakilang karunungan ng Diyos.
Huwag tayong matakot na tahakin ang makipot na landas na nagbibigay buhay… huwag iwasan ang maging huli kung ito naman ang maglalapit sa atin sa Panginoon.
Comments