IKALIMANG LINGGO NG KUWARESMA - A


WALANG PANGIL SI KAMATAYAN



Bawal sa paniniwalang Chinese na magbanggit ng tungkol sa kamatayan sa mga okasyon na masaya. Subalit baligtad yata sa paniniwalang Kristiyano. Tingnan na lamang ngayon ang mga pagbasa ng Salita ng Diyos.  Panay larawan ng kalansay at buto, kamatayan at libing ang tumatambad sa atin.  Walang anumang pangingimi o pag-iwas tungkol sa tema ng kamatayan.

Bakit? Kasi po ang Diyos ay hindi nasisindak o natatakot sa kamatayan. Hinaharap ng Panginoon ang kamatayan at binibigkas niya dito ang kanyang pagpapala upang mag-ugat ito tungo sa bagong buhay.  Sa unang pagbasa, Ezekiel 37, ang mga buto at kalansay ay muling tatayo at magiging tao. Sa ikalawang pagbasa, Roma 8, ang ating espiritu ay hindi mamamatay dahil nasa atin ang Espiritu Santo. At sa Ebanghelyo, Juan 11, muling binuhay ni Jesus ang kanyang kaibigang si Lazaro na nailibing na ng ilang araw.  Tunay nga si Jesus “ang muling pagkabuhay.”

Nakatagpo ng katapat ang kamatayan sa kamay ng Diyos. Dahil kumikilos ang Diyos sa kabila ng kalungkutan at sindak ng kamatayan upang ganapin ang kanyang magandang plano sa buhay natin. Hinahayaan niya tayong makalasap ng kamatayan upang lalo nating madama ang kahulugan ng bagong buhay. Sa Credo, sabi natin: sumasampalataya ako sa pagkabuhay ng mga namatay na tao at sa buhay na walang hanggan.

Hindi lang ito totoo sa pisikal na aspekto ng kamatayan dahil maraming kamatayan ngayon sa ating karanasan.  Namamatay tayo sa aspekto emosyonal, espirituwal, kaisipan, pinansyal at maging sosyal o relasyon sa kapwa. Mas grabe pa nga ang mga kamatayang ito dahil dinadanas ito ng mga taong humihinga pa sa mundong ito. At ang pinaka-malalang kamatayan ay ang kamatayang dulot ng kasalanan.

Ngayong Kuwaresma, nangangako ang Panginoon ng buhay para sa atin. Noong isang Linggo, pinadilat ng Panginoon ang bulag tungo sa liwanag. Ngayon, binuhay niya ang patay na si Lazaro. Sa tulong ng Kuwaresma, lalo na sa Kumpisal, dinadala tayo ng Panginoon mula kamatayan tungo sa buhay. Nais niyang hawakan ang mga namamatay na bahagi o aspekto ng buhay natin upang magkaroon ng bagong pag-asa. Ang kalungkutan, galit at pagkawatak-watak ay magiging galak, patawad at pagkakasundo.

Ano sa buhay mo ngayon ang tila nalalanta, nanghihina o namamatay na? ano ang kailangan na ng hipo ng mapaghimalang kamay ni Jesus upang muling mabuhay? Sa ating pagtahak sa Kuwaresma, hanapin natin si Jesus tulad ni Marta at Maria at magsumamo tayong bigkasin niya sa atin ang kanyang salitang nagbibigay-buhay. Amen.

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS