UNANG LINGGO SA KUWARESMA - A


KAILANGAN NG ISIP NATIN ANG “FASTING”



Bakit kinain ni Adan at Eba ang bunga ng ipinagbabawal na puno sa gitna ng halamanan? Gutom ba sila? Salat ba sila? Naghihikahos na ba sila?

Hindi po! Malayong malayo dito.  Sila na ang pinaka-suwerteng nilalang.  Ayon sa Genesis 2 at 3, lahat ay ibinigay na ng Panginoon sa kanila – halaman, hayop, isda, at magandang tirahan sa kanyang hardin. Wala silang kulang o kailangan dahil nag-uumapaw ang biyaya sa kanila.

Hindi gutom si Adan at Eba.  Sila ay sakim!  Nang malaman nila ang kapangyarihan sa likod ng puno at ng bunga nito, ginusto nila itong makuha kahit hindi nila ito kailangan.  Sakim sila sa kapangyarihan, sa pagkilala, sa mas marami pa!

Sa simula ng Kuwaresma, paalala sa atin na may minana tayong katangian at ugali mula sa ating unang mga magulang – kasakiman, katakawan.  Subalit mas mahalaga pa diyan, paalala sa atin na may iniaalok ang Diyos na lunas at remedyo sa masamang ugaling ito – pag-aayuno. Sa Genesis, dalawang tao ang kumain kahit hindi gutom.  Sa Mabuting Balita, ang Panginoong Hesus, sa kabila ng pagkagutom, ay tumangging gawing tinapay ang bato at kumain (Mt. 4:4).

Ang lunas sa kasakiman at katakawan ay pag-aayuno o fasting. Ginagamot ng fasting ang ating isip at hindi ang ating bituka dahil sa isip nagmumula ang kasakiman at katakawan.  Alam ng katawan kung ano lang ang tamang kailangan. Pero ang isip natin ang nag-uudyok na higitan pa at sobrahan ang pagnanasa.

Gusto ko ng isa pang burger. Kaya ko pa ang isang extra rice. Dapat akong magkaroon ng bagong Iphone o latest Ipad. Dapat gugulin ko ang lahat ng oras sa computer games, texting, DVD films at eat-all-you-can.  Kailangan ba talaga ito ng katawan natin?  Siguradong hindi! Pero ang isip ang nag-uutos na masarap at magandang mapasaakin itong lahat.

Sa pag-aayuno ni Hesus, kitang kita natin na kahit ang taong gutom ay maaaring tumangging kumain kung hindi tama ang panahon, kung hindi tama ang layunin at kung ito ay labag sa kalooban ng Diyos.

Ang fasting ay hindi parusa sa katawan. Ito ay remedyo para sa utak ng tao upang turuan tayong naisin lamang ang mabuti, mahalaga at kapaki-pakinabang.

Sa pasimula ng Kuwaresma, samahan natin ang Panginoong Hesus sa kanyang fasting o pag-aayuno. Ano kayang pagkain, gamit,  gadget o gawain ang kumukuha ng aking isip at puso at nagdadala sa atin na maging sobra, sakim o matakaw. Katulad ni Hesus, hilingin natin sa Ama ang biyaya na tumanggi sa sobra, at umayon sa tamang-tama lamang para sa ating buhay at sa kabutihan ng iba.


Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS