MALIGAYANG PASKO NG PAGKABUHAY NI KRISTO 2014!


ANG ARAW NG SORPRESA NG DIYOS!



Tuwang tuwa ang mga anak kapag may surprise ang kanilang magulang. Sigaw nila ay “Wow!”  Sino ba sa atin ang ayaw ng nakakatuwang surprise?

Noong Biyernes, isang lalaking walang sala ang nabayubay sa krus.  Ang mga alagad ay nagtakbuhan sa takot sa mga kalaban. Ang kanyang Ina at mahal na alagad ay napilitang masdan ang pagbitiw ng kanyang huling hininga. Ang mga tagasunod niya ay nawalan ng pag-asa at kinabukasan. Sabado, parang tumigil ang pag-ikot ng mundo, at nabalot ng kalungkutan ang kapaligiran.

Pero, biglang lumitaw ang pinamalaking surprise ng Diyos. Si Jesus ay bumangon mula sa libingang kinasisidlan tungo sa bago at walang hanggang buhay. Narinig ng mga alagad ang pinaka-magandang salaysay ng buong kasaysayan – ang Panginoon ay totoo sa kanyang salita at siya ay tunay na makapangyarihan! Lumakas muli ang kanyang Ina at mahal na alagad. Ang mga tagasunod naman ay may pinanghahawakang mensahe na handa nang ipahayag. Ang Sabado pala ay hindi dead-end.  Ito pala ay tunnel na nag-uugnay sa maningning na susunod na araw, sa araw ng Panginoon. Wala nang iyakan, kundi Aleluya lamang, at ito ay dinig mula sa lupa hanggang kalangitan!

Ito ang araw ng pinakamalaking surprise sa lahat, kung kelan ang kamatayan ay nawasak na at bumalong ang kaluwalhatian ng Diyos sa buong mundo. Si Jesus ay buhay at ang ibig sabihin niyan ay seryoso ang Diyos sa pagmamahal sa ating lahat. Ang ibig sabihin nito ay ang krus, na kagamitan sa pagsunod sa Panginoon, ay ginawa nang simbolo ng buhay at pananampalataya. Ang ibig sabihin nito ay si Jesus ay buhay at kasama natin lagi sa paglalakbay at pagkakamit ng tagumpay na tulad ng kanyang tagumpay. Si Jesus ay may kapangyarihan sa buhay, nagbibigay buhay at nagbabago ng buhay.

Ang Pasko ng Pagkabuhay ang pinakamalaking surprise sa kasaysayan, na may dulot na pag-asa para sa lahat ng nagbubuhat ng krus sa buhay ngayon. Dahil ngayon, sigurado tayo na ang Diyos ay kakampi natin. Tulad ng bata, sigaw natin “wow” sa ating nasaksihan at pinaniniwalaan. Hindi lang ang krus ang ating koneksyon sa Panginoon. Ang Pagkabuhay ay mas matibay na koneksyon natin sa Anak ng Diyos na si Jesus!

Kung paanong marami tayong kwento ng Biyernes Santo, mas marami tayong kwento ng Pasko ng Pagkabuhay. Alalahanin natin paano tayo pinagaling ng Diyos, paano tayo nagkasundo ng mga kaalitan natin, paano tayo pinatawad at pinalaya, paano tayo patuloy na sinu-surprise ng Panginoon sa araw-araw.

Pasalamatan natin ang Panginoon sa Paskong ito, ang araw ng surprise niya sa atin na kanyang minamahal!  Maligayang Pasko po ng Pagkabuhay sa lahat!

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS