IKA-15 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON B
MALAKING
KAPANGYARIHAN, MALAKING TUKSO
Sa Mabuting Balita ngayon (Mk. 6:7-13), biniyayaan ni Hesus ang 12 apostol ng
malaking kapangyarihan. Hahayo sila upang magmisyon na dala-dalawa at
magpapalayas sila ng mga masasamang espiritu. Ibig sabihin malulupig nila ang
demonyo at mapapagaling nila ang mga maysakit. Grabeng kapangyarihan! Tila
hindi kayang tanggapin ng ordinaryong tao!
Sa ganyang uri ng kapangyarihan, iisipin mong tiyak maraming
pribilehiyo. Pero, tila iba ang ginawa ng Panginoon. Pagkatapos na bigyan sila
ng malaking kapangyarihan, hiningi niya sa kanila ang matinding karukhaan.
Sa ordinaryong sitwasyon, kapag may kapangyarihan, dapat
magpasasa sa kapangyarihan. Sumakay sa pinakamagarang kotse. Kumain ng
masasarap. Mag-imbak ng mga kailangang supply. Dapat may pera para sa kung
anong emergency.
Pero ang sabi ng Panginoon: Hindi! Walang kotse; basta maglakad lang. Kaya nga puwede and
tungkod at sandalyas dahil mahirap mapagod at masaktan ang paa sa malayong
lakbayin. Walang pagkain; humandang magutom at manghingi. Walang supply;
humandang maubusan at mawalan. Walang pera; damahin paano maging mahirap.
Puwede naman magdala ng isa pang damit, para makapagbihis at huwag bumaho. Pero
iyon lang!
Bakit ganito ang ginawa ng Panginoong Hesuristo? At sa mga
matalik pa niyang kaibigan at kakampi sa pagpapahayag ng Mabuting Balita.
Bakit nga ba? Upang ang kapangyarihang ibinigay sa 12 ay
hindi malunod sa luho, layaw, pagkakuntento, yaman at kayabangan o pride. Sabi
ng Spiderman: with great power comes great responsibility. Pero ang sabi ng
Panginoon ngayon: mas malaki ang kapangyarihan, mas malaki din ang tukso –
tuksong isipin na ikaw ang pinagmumulan ng kapangyarihan; na ang mga bagay sa
paligid ang magbibigay ng lakas at tagumpay; na ang materyal na bagay ang
sandigan natin.
Hiningi ni Hesus ang ganitong karukhaan upang maalala ng 12
alagad na ang Diyos lamang ang siyang bukal ng biyaya at kapangyarihan.
Napapansin mo bang kapag meron tayong konti lang, madaling
maging malapit sa Diyos? Pero kapag meron tayong marami at sobra-sobra, ang
dali-dali ding mapalayo sa Panginoon?
Panginoon, binibigyan mo po kami ng kapangyarihang mabuhay,
magtrabaho, mag-aral, at maglingkod. Bigyan mo din po kami ng biyayang maalala
namin na Ikaw lamang ang aming lakas, takbuhan, batong sandigan at kaligtasan.
Tulungan mo po kaming tumanggi sa panay luho at layaw ng katawan at malayang
tanggapin ang iyong mga himala, mga sorpresa, at walang patid sa pagpapala.
Amen.