IKA-18 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON, B
PAGKAING
PANGMATAGALAN
Ngayong Linggo, patuloy ang kamangmangan ng mga tao sa
Mabuting Balita. Hinahabol nila si Hesus. Sinusundan nga nila siya.
Hinahanap-hanap. Pero mali ang motibo nila. At nagbabala ang Panginoon: Huwag
ninyong asamin ang tinapay, kahit libre pa ito (Mabuting Balita ng nakaraang
Linggo). Huwag ninyong hanapin ang tinapay na panandalian lamang. Huwag kayong kumapit sa pagkaing napapanis!
Matiyagang tinuruan ni Hesus ang mga tao tungkol sa
katotohanang nais niyang maunawaan nila: ang Tinapay ng Buhay, ang tunay na
Tinapay mula sa langit. Ito ang tunay na mahalagang Tinapay, dahil nagdudulot
ng buhay, hindi makalupa kundi makalangit, hindi makamundo kundi sa ibayo pa ng
daigdig na ito. Ito ang Tinapay na nagbubukas ng pintuan ng langit.
Ang Tinapay na ito ay mismong si Hesus, ang kanyang buong
katauhan, na dapat tanggapin, mahalin, panaligan at sundan. Ang makilala si
Hesus at isuko ang lahat sa kanya ang kahulugan ng ating buhay. Ang makapiling
si Hesus ay makaniig ang Ama nang malalaliman. Ang makatagpo si Hesus ang
nagbibigay ng kahulugan sa ating pagtulog at paggising. Paano man kainin, sa gitna man ng tuwa
o tigmak ng luha, ang Tinapay na si Hesus, ang siyang nagbibigay lakas at
tapang sa pagtahak sa buhay.
Sa simbahan ay kapiling natin ang Tinapay sa
Eukaristiya. Binubusog tayo ng
Diyos ng salitang nagpapaganyak sa puso at ng Tinapay na nagbibigay buhay sa
banal na Komunyon. Mas nauunawaan ba natin ito higit sa mga Hudyo noon?
Napapahalagahan ba natin kung ano, o Sino ang ating tinatanggap sa anyo ng
Ostia na ating kinakain sa Misa? Dama ba natin kung paano siya
nagbibigay-buhay?
Isang banal na tao, si Thomas Merton ang nagsalarawan ng
kanyang unang pagtanggap kay Hesus, ang Tinapay ng Buhay, matapos ang kanyang
pagkamulat at pagsapi sa simbahan: “Isinilang si Kristo sa akin bilang isang
bagong Betlehem, at isinakripisyo siya sa akin bilang bagong Kalbaryo, at
nabuhay siya sa akin: iniaalay
niya ako sa Ama, habang hinihiling sa Ama, sa kanyang Ama at aking Ama,
na tanggapin ako sa natatangi at walang hanggang pag-ibig…” Nagiging bago
tayo, nagiging sariwa dahil sa
Tinapay ng Buhay.
Kung ganito natin tinitingnan ang Eukaristiya, ang Tinapay
na tinatanggap natin sa Misa, siguro mapupuno ang lahat ng simbahan, aapaw ang
mga tao sa adoration chapel, lalaganap sa kalye ang mabubuting tao, mamamayani
sa mga pamilya ang pagpapatawad at pagtanggap, at dadaloy ang pananagutan at
malasakit sa ating buong bayan.
Ipagdasal natin maunawaan natin si Hesus tulad ng nais niya,
na manalig tayo sa kanya tulad ng inaasam niya.