IKA-21 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON, B
HANGGANG SA
DULO
Sa simula ng pakikinig at pagsunod ng mga Hudyo, hindi nila agad
naunawaan ang himala ni Hesus; naguluhan sila sa tunay na kahulugan nito.
Pagkatapos, nag-protesta ang kanilang puso sa kanilang narinig na mga salita.
Nagbulungan sila at ngayon, handa na silang tumalikod sa kanila, sa kabila ng
pagkain nila ng tinapay na bunga ng himala ng Panginoon.
Kung sabagay, hindi talaga handa ang mga ito na maniwala at sumunod sa
Panginoon. Ang kanilang pananampalataya ay may hangganan. Walang lugar upang
lumago pa. Walang pasensya o tiyaga na makatuklas, makaalam, at mapalalim pa.
Kakaiba ang mga alagad dahil ang tugon nila ay nakaka-inspire. Nang
tanungin sila kung aalis na din ba sila, sinabi nila: “Panginoon, kanino po kami
tutungo? Nasa Iyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan.”
Masarap pakinggan, tama. Pero kung tutuusin, hindi rin naman nila
nauunawaan lahat, tulad ng mga Hudyo. Sa ibang mga pangyayari, malalantad na
kulang din at mahina din ang pananampalataya ng mga alagad. Hindi nila
naintindihan nang lubos. Pero ang kaibahan ay ganito: handa naman silang
matuto. Handa silang mapalalim, mapalawak, mapataas pa ang antas ng kanilang
pananampalataya… sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Panginoon na nagsasalita sa
kanila at siyang magbibigay sa kanila ng Tinapay ng Buhay mula sa krus.
Maraming pangyayari sa buhay natin na hindi naman natin naiintindihan.
Bakit nga ba ito pinapayagan ng Diyos na mangyari sa atin? May mga taong bigla
na lang sumusuko sa pagtitiwala at pagsunod sa Diyos. Naghahanap na lang ng
kaganapan at kaligayahan sa iba; basta huwag lang sa Diyos na hindi madaling
maunawaan.
Ang tunay na alagad ay pinagpala ng isang katangiang namumukod tangi.
Ang tawag dito ay pagpupunyagi; para bang kombinasyon ng pasensya, lakas ng
loob at malalim na pagtitiwala sa puso para sa Panginoon. Bakit? Kasi alam
nilang sa Diyos lang magmumula ang tunay na kapayapaan at kagalakan. Makikita mo rin iyan sa mga tao o sa mga bagay sa
paligid, tama. Pero, tanging kay Hesus, ang regalo ng Ama, matatagpuan ang mga
ito nang buo at ganap, maging sa lupa man at lalo na, sa langit.
Panginoon, tulungan mo po akong huwag sumuko agad dahil lang hindi ko
nauunawaan ang plano mo para sa aking buhay. Sa halip, bigyan mo po ako ng
pagpupunyagi, ng biyaya na magpatuloy maglakbay kasama ni Hesus at sumusunod sa
kanya, hanggang ang lahat ay maging malinaw sa bandang huli ng aking buhay.
Amen.