IKA-23 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON, B
PAGHILOM SA GITNA NG LUHA
Isang bagay na ipinagdarasal
natin ay ang paggaling o healing. Nagdarasal tayong gumaling ang mga mahal natin sa
buhay, o maging ang ating sarili. Hipuin sana ng Diyos ang ating katawan at
kaawaan tayo sa ating paghihirap sa banig ng karamdaman.
Sa unang pagbasa mula kay propeta
Isaias, hinihimok niya ang mga tao sa tulong ng mga tanda ng paggaling habang
malapit na silang umuwi sa sarili nilang bayan. Ang Diyos ang tunay na
nagligtas at pinagaling niya ang mga bulag, bingi, pipi at lumpo. Hindi lamang
tinutulungan ng Diyos ang buong bayan. Ang biyaya niya ay dumadapo sa bawat
nilalang na naghihirap.
Sa Mabuting Balita, naawa si
Hesus sa kalunos-lunos na sitwasyon ng lalaking bingi at pipi. Sa makapangyarihang
pananalita: Mabuksan ka!, pinalaya ni Hesus ang lakas ng pandinig at ang lakas
ng pagsasalita. Ipinagpapatuloy ni Hesus ang himala ang pagpapagaling na
sinimulan ng Diyos sa Israel.
Ngayon, ito pa rin ang ating
panalangin, ang pagpapagaling. At maraming nagaganap na paghilom sa paligid
natin. Pero maraming pagkakataon din na inaasahan nating bubukas ang mga mata,
makakarinig ang tenga, matutuwid ang dila, at lulundag ang pilay – subalit
hindi ito nangyayari.
Kung tila mas malakas ang kanser,
dengue, stroke, at mga virus kaysa ating mga pag-asa, hindi ibig sabihin na
hindi makapangyarihan ang Diyos. sabi ng isang napakagandang awitin: paano kung
ang pagpapala ay sa pamamagitan ng ulan, ang pagpapagaling sa pamamagitan ng
luha, at ang makilalang malapit ka sa akin ay sa pamamagitan ng mga gabing
walang tulog? Paano kung ang biyaya ay nakabalot sa pagsubok ng buhay?
May nagaganap na paghilom na nasa
ilalim, hindi sa ibabaw. May pagbabago na lampas sa nakikita ng mata. Ang
pananatili ng Diyos ay nasa kanyang tila pagkawala. Iyan ang pinakamagandang
paghilom sa lahat, ang paghilom ng puso ng isip at kaluluwa, ang paghilom ng
pananampalataya at tiwala sa Panginoon na nakababatid ng higit na mabuti at
nagdadala sa atin doon.
Iyong pisikal na pagpapagaling ay
maganda. Subalit ang espiritwal na pagpapagaling ay higit pa dito dahil ito ang
nagbabago ng buhay. Ito ang dahilan na ang mga santo ay nakangiti sa gitna ng
pait, nagtitiwala sa gitna ng kadiliman, naniniwala kahit walang makita.
Panginoon, hipuin mo po ako ng
iyong paghilom. Ang aking katawan, ibsan ang sakit at ibalik sa dating sigla.
Ang aking puso upang matagpuan ang kahulugan at galak at kapayapaan sa harap ng
anumang makakatagpo ko sa buhay ngayon at araw-araw.