IKA-24 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON, B
DALUBHASA SA SALITA
“Dalubhasa sa salita,” ganyan
isinalarawan ng kaibigan ko ang kanyang iniidolo. Hangang-hanga tayo sa mga
taong magaling magpa-ikot ng salita at magmukhang kapani-paniwala at totoo.
Tila ang galing ng mga taong gobyerno na magaling mag-talumpati. Ang galing ng
mga taong negosyo na mangumbinsing magbenta. Mukhang napakabanal ng mga taong
simbahan na ang laging sambit ay walang iba kundi ang Diyos.
Si Hesus ay hindi kailanman
nalinlang ng mga salita. Sa Mabuting Balita ngayon (Mk 8), narinig niya ang mga
salita ni Pedro tungkol sa pananampalataya sa kanya. Hindi niya agad pinansin
ito. Malaon pa, nagsalita si Pedro upang salungatin ang pangangaral ni Hesus
tungkol sa kanyang krus at pagkabuhay. Nagalit si Hesus at pinagsabihan na si
Pedro na hindi nakaunawa, mali ang pang-intindi.
Buti na lang ang Diyos ay
hindi tagahanga ng mga salita, hindi “tagabasa ng mga dila.” Sa halip ang
Panginoon ay “tagabasa ng mga puso.” Alam niyang hindi lahat ng salita ay
galing sa puso. Sa sulat ni Santiago Apostol ngayon (kab. 2) hinahamon niya ang
mga mahilig magsalita tungkol sa pananampalataya: “Nasaan ang inyong patunay?
Nasaan ang inyong mga gawa?” Puwedeng magaling ang talumpati at pahayag, pero
wala namang ginagawa para sa mga nagugutom, namamatay, nasasaktan, nalulungkot,
maysakit, at nangangailangan sa ating mga tahanan at lipunan. Walang kuwenta din ang mga salitang
ganyan!
Si Hesus ay hindi nakilala
lamang bilang mahusay na guro, magaling na propeta, bihasang tagapagsalita.
Naaalala natin ang Panginoon noon hanggang ngayon, dahil sa puso, hindi sa dila
niya. Nagsalita siya, oo, pero pagkatapos niyakap niya ang mga dukha at
maruruming tao. Nangaral siya, oo, pero pagkatapos binasbasan niya ang mga
bata. Nagturo siya, oo, pero pagkatapos nagpagaling siya ng mga maysakit.
Nagpaliwanag siya, oo, pero pinatunayan niya ang mga ito sa kanyang Krus at
Pagkabuhay.
Kay Hesus, kitang-kita ang
tambalan ng salita at gawa. Ang salita ang nagpapaliwanag ng ginagawa niya. Ang
gawa naman ang patunay ng katotohanan ng kanyang mga salita.
Tayo kaya? Maraming nais
magsalita tungkol sa kanilang relasyon sa Diyos at sa simbahan pero wala namang
pakialam sa kapwa. May mga gustong magturo sa iba tungkol sa pananampalataya
pero ang puso ay malayo naman sa mga tao. May mahilig mag-ulit ulit ng mga
slogan tulad ng “mercy and compassion” pero walang habag sa mga makasalanan at
naghihirap.
Panginoon, basbasan mo po ang
aking mga salita upang tunay na mag-ugat mula sa puso. Nawa ang mga salita ko
ay maging buhay sa aking pagpapadama ng pagmamahal at pagkakaisa sa mga taong
nangangailangan sa akin ngayon at araw-araw. Amen.