ANG PAGBIBINYAG SA PANGINOON
NAGING PAMILYA TAYO NG DIYOS!
Ang ating Binyag ang araw kung
kelang tayo ay napabilang sa Diyos sa ugnayang hindi mapapagot kailanman. Ang
Binyag ang sakramento, ang ritwal na nagbukas sa atin ng pinto ng simbahan, ang
ating bagong pamilya, upang tayo ay makapasok. Sa simpleng pagdiriwang na ito,
inialay sa atin ng Diyos at ng ating mga pamilya at kaibigan ang landas ng
kaligtasan, kahit tayo ay musmos na sanggol pa lamang. Ang mga sanggol ay
binibinyagan upang mailapit sila sa puso ng Panginoon at ng kanyang bayan.
Si Hesus ang modelo ng ating Binyag.
Kahit hindi kailangan ni Hesus ang Binyag dahil wala naman siyang kasalanan,
nagpabinyag siya tulad ng mga taong nakapalibot kay Juan Bautista (Luk 3). Bakit
kaya? Simpleng lang: upang ipakilala niya ang sarili bilang Anak ng Diyos na
magsisimula na ng kanyang misyon.
Sa unang pagbasa (Is. 40) sinasabi
sa atin ang mahalagang misyon ng Mesiyas ng Diyos. Maghahari siyang matatag. Magiging
pastol siya ng tupa. Si San Pablo naman sa ikalawang pagbasa (Tito 2 at 3) ay
nagpapaalala sa atin na tayo’y naligtas at naging bago dahil sa tubig na
pinabanal ng Panginoong Hesukristo. Ito ang dahilan kung bakit itinuturo sa
atin na lubhang mahalaga sa kaligtasan ang Binyag.
Sa buhay natin ngayon, alam ba natin
na dahil sa Binyag, tayo ay Kristiyano, tayo ay mga anak ng Diyos Ama at mga
kapatid ni Hesus, at mga sisidlan ng Espiritu Santo? Alam ba natin na nagsisimula na ang ating misyon? Maraming tao
ang walang direksyon sa buhay, walang kabuhay-buhay, walang pananaw sa
kinabukasan. Hindi dapat ganito
ang isang Kristiyano. Sa Binyag, tulad ni Hesus, ipinagkakatiwala sa atin ang
ugnayan sa Diyos upang maging mabisa tayong magampanan ang misyon natin sa
mundo na may kasamang pag-ibig.
Sa susunod na isawak natin ang ating
mga daliri sa holy water sa pintuan ng simbahan o magdasal ng Sumasampalataya,
o mabendisyunan ng holy water, tandaan natin ang ating binyag, ang panahong
naging bahagi tayo ng pamilya ng Diyos. Hindi ito nakaraan lamang. Ito ay
ngayon at araw-araw. Tinatawag tayo ni Hesus na maging tulad niya na may
kapangyarihang baguhin ang ating mundo. Kristiyano ka! Tandaan mo ang iyong
karangalan. Isabuhay mo ang iyong binyag!