IKATLONG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON, K
KAGALAKAN SA SALITA!
Matatapos na ang Bible Study nang
dumating ang isang tao na masyado nang late; kilala siya bilang eksperto sa
Bibliya. Nagbabahagi ang huling sharer at nabanggit nito ang salitang “love”.
Pag-upo ng huling dumating na ito, biglang nagsimula na siyang magbahagi
tungkol sa paksang “love”. Buti na lang at ipinaalala ng lider na ang paksa ay
“Si Hesus, ang Daan tungo sa Ama.” Biglang nagsalita na naman ang huling
dumating at nagbahagi tungkol sa bagong topic na nabanggit.
Sinabi niyang maraming tao ang
nawawala na sa landas ng kabutihan. Dapat labanan ang kabuktutan o kasamaan ng
mundo. Walang kumpromiso daw sa pag-ibig ng Diyos kaya kung sino ang hindi
makikinig, ay hindi rin makararating sa Kaharian ng Diyos kundi sa kanyang
paghuhukom. Walang magawa ang iba kundi makinig sa taong ito na ayaw
magpapigil.
May mga taong nagbabasa ng
Bibliya at akala nila ay mas mataas na sila sa kapwa. Akala nila may karapatan
silang manghusga ng kasalanan ng iba. Para bang pag nagsalita sila, sila lamang
ang may pagkakakilala sa Panginoon.
Baligtad ang sinasabi sa unang pagbasa
(Nehemias 8) ngayon. Ang Salita ng Diyos ay hindi dahilan upang maging
mahigpit, manhid at mapanghusga. May isang kahanga-hangang katangian ang Salita
ng Diyos na laging nananatili – kagalakan!
Binasa at ipinaliwanag ni
Nehemias ang aklat ng Batas, ang kinikilala nilang Banal na Kasulatan. At
naapektuhan ang maraming nakarinig, parang piniga ang kanilang puso at
nagsimula silang umiyak, manangis. Pero biglang pinigilan sila ni Nehemias.
“Huwag kayong maging malungkot… huwag kayong umiyak.” Patuloy pa niya: dapat
kumain at uminom at magbahagi sa iba ang mga nakarinig ng Salita ng Diyos. Ang
layunin ng Salita ng Diyos ay bigyan tayo ng lakas ng loob, palakasin at
paigtingin ang ating kagalakan.
Tinatanggap ba natin ang Salita
ng Diyos kapag nagdarasal tayo o nagsisimba? Ang pangangaral o paliwanag ba sa
ating simbahan ay nagdadala ng kagalakan o ng lagim at takot sa puso ng mga
tao? Maraming tao na ang umalis sa simbahan dahil wala silang mapulot na
inspirasyon upang maging maligaya ang buhay. Ibalik natin ang galak na mula sa
pagbabasa, pagdarasal at pangangaral ng Salita ng Diyos.