IKATLONG LINGGO SA KUWARESMA K
ANG PAG-IISIP NG
DIYOS
Tumbok na tumbok ni Hesus ang
paraan ng pag-iisip ng mga tao (Lk 13: 1-9): sila ang “mas guilty”; sila ang “mas mali”; sila ang “mas
makasalanan”. Siyempre, tayo naman
ang mas mabuti nang kahit konti sa mga taong hinuhusgahan natin.
Ganito kumilos ang utak natin.
Madali humusga. Kapag nagkamali o nadapa ang iba, agad nating iniisip na
“mabuti nga sa kanila” kasi tatanga-tanga sila. Kung ikukumpara sa atin,
kulelat talaga sila at ang galing natin.
Ipinakita rin ng Panginoon kung
paano mag-isip ang Diyos. Sa tulong ng talinghaga ng punong walang bunga,
inilarawan niya kung gaano kalayo at kakaiba sa atin ang pag-iisip ng Ama.
Gusto natin ng deadline: putulin na iyan! Gusto naman ng Diyos ng extension: bigyan ng isang taon pa
iyan! Ang nakikita natin ay sayang: bakit pa gagamitin nyan ang
lupa? Ang nakikita ng Panginoon ay
posibilidad: baka mamunga na sa isang
taon!
Kung ang naiisip natin ay pagkawasak, ang Diyos naman ay nag-aalok
ng pagsibol muli.
Madalas tayong kumilos nang
natural nating gawi na maghusga at magkondena. At ang daming beses din naman
nating naranasan ito mula sa ating kapwa tao. Kaya siguro tayo ganun e.
Ngayong Kuwaresma, buksan natin
ang sarili sa bagong karanasan mula sa Diyos. Hayaan nating bigyan tayo ng
Diyos ng pagkakataon muli na magbago, lumago, at mamunga. Ito ang karanasang
naghihintay sa atin sa sakramento ng Kumpisal kaya, tara na!
At matapos nating maranasan ang
pagpapagaling ng Diyos ng awa, hayaan nating tayo din ay maging tulad niya sa
pagtingin at pakikitungo sa ating kapwa – puno ng habag at awa, hindi na
panghuhusga.