UNANG LINGGO SA KUWARESMA, K
SAMAHAN MO AKO,
PANGINOON
Sa pagpasok ng Kuwaresma,
maraming larawan sa ating isip – abo, ayuno, mga bawal gawin, mga dapat gawin,
mga dasal, mga rituwal.
Subalit sa Salita ng Diyos, ang
una nating matatagpuan ay mga karanasan! Sa Deuteronomio 6, inilalahad ng
sumulat ang personal at kakaibang karanasan na nakakapagpalubag-loob. Inaalala
niya kung paano ipinakita ng Diyos ang kanyang kabutihan sa kanyang bayan sa
gitna ng disyerto ng buhay.
Tinawag ng Diyos ang kanyang
bayan at pinaunlad sila. Inilabas sila sa pagka-alipin at ginawang tagumpay.
Binigyan sila ng lupa na matitirahan at bubungkalin.
Ang unang larawan ng Diyos ay
bilang isang tagapagligtas na nagbubuhos ng pag-ibig at habag niya sa mga taong
umaasa lamang sa kanya.
Sa Mabuting Balita, Lukas 4,
ibinabalik tayo sa isa pang karanasan – ni Hesus sa disyerto! At eto ulit,
malaking inspirasyon sa atin!
Palibot ang tukso, subalit nagtagumpay si Hesus bilang tagalupig ng
takot at alinlangan. Sinuportahan at hindi siya iniwan ng Ama at ng Espiritu
Santo sa bawat pagsubok.
Parang napakagandang alalahanin
ang ating mga karanasan ngayong Kuwaresma. Ang ating mga disyerto! Yung iba, nagsisimula pa lamang. Yung
iba, nasa gitna na siguro. Yung iba, nawala na sa lawak ng disyerto at
naghahagilap sa gitna ng dilim, ginaw, gutom at uhaw.
Isang lalaking naglilibot sa
Maynila para makahanap ng trabaho. Isang babaeng matagal nang nag-aasam na
gumaling sa sakit. Isang pari na labas-pasok sa ospital sa karamdamang hindi pa
malaman. Isang babae at mga anak na naghihintay sa paglabas ng asawang drug
pusher na nakakulong ngayon. Para tayong mga Israelita. Para tayong si Jesus. Mayroon
tayong kanya-kanyang disyerto!
Ang Kuwaresma daw ay ang pagpasok
natin sa disyerto ni Hesus upang maka-ugnay niya. Palagay ko, ang disyerto ay
ang paglapit sa atin ni Hesus upang akbayan tayo at yakapin tayo at kunin ang
ating kamay upang ipaalala sa atin na tayo ay mahal niya. At alam ng Diyos ang
ating pinagdadaanan. At matatapos
din ito dahil hindi niya tayo iiwan o pababayaan.
Ang ganda ng Salmo ngayon (Salmo 9): samahan
mo ako, Panginoon, sa aking kaguluhan.
Nais kong manahimik upang dasalin ito…