IKA-16 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON K
-->
KARIBAL O
KATOTOHANAN?
Tila kwento ng mag-karibal ang
salaysay ng Mabuting Balita ukol kay Marta at Maria (Lk. 10). Kapwa nais ng
magkapatid na ipakita kay Hesus ang kanilang pagtanggap sa kanilang tahanan.
Mahal ni Hesus ang pamilyang ito at lagi siyang dumadalaw dito upang magpahinga
kapag napapagod.
Ang dali nating husgahan si Marta
na para bang nagpakita lang siya ng mababaw na pagtanggap sa Panginoon. Abala
sa pagkain at inumin, ginawa ni Marta ang lahat upang tugunan ang kailangan ng
isang gutom at pagod na panauhin. Pero tiyak, ang pagiging abala ni Marta ay
bunga ng kanyang malalim na pagmamahal sa Panginoon. Hindi siya mag-aabala nang
ganito kung kung hindi mahalaga sa kanya si Hesus. At tiyak na natuwa si Hesus
sa kilos ni Marta. Gusto lamang ng Panginoon na sa bandang huli, matuto si
Marta na maging mas kumportable at panatag sa kanyang presensya at hindi lamang
sa pagka-abala.
Madali din nating purihin si
Maria bilang ang tunay na nagbigay ng malalim na pagtanggap sa Panginoon. Ang
kakulangan niya sa kusina ay pinunan niya ng pagiging handa at malaya sa
pakikinig sa mga aral at kuwento ng isang kaibigang dumalaw. Mahal niya si
Hesus at walang iba pang mas mahalaga kundi ang masdan ang kanyang mukha.
Natuwa ang Panginoon sa presensya, pakikisama at panahon na ibinigay ni Maria
sa kanya.
Sa halip na tingnan na magkaribal
ang magkapatid, tingnan natin sila bilang salamin ng katotohanan ng ating
buhay. Tayo din ay iba-iba kung magpakita ng pagmamamahal. Ang kilos ng
magkapatid ay salamin ng sarili nating kilos sa pagpapahayag ng pag-ibig sa
Diyos at sa kapwa.
May mga tao, na hindi mahilig
magsalita o yumakap, pero sa aksyon naman idinadaan ang pag-ibig. Maraming mga
magulang ang tahimik pero buong maghapong nagtatrabaho sa bukid o sa lansangan
upang pakanin at pag-aralin ang mga anak. May mga anak na hindi laging
nakakapit sa magulang pero masayang tumutulong sa gawaing bahay o negosyo upang
mabawasan ang hirap ng magulang. Maraming Pilipino ang nasa malayong lugar at
hindi laging kayakap o kakuwentuhan ang mga pamilya pero ang kanilang mga pawis
at paghihirap ay higit pa.
Meron din namang mga tao na mas
sanay magpahayag ng pagmamahal. Madali sa kanila ang magsalita ng kanilang
damdamin. Madali sa kanila ang ipadama ang kanilang pagiging malapit,
mapagkalinga at mapag-suporta. Kaya nilang mag-alaga ng ka-pamilyang maysakit,
kumalinga ng matanda o umaruga ng sanggol. Kaya nilang iwan ang ibang bagay para
makatutok sa isang kaibigan o kamag-anak na nangangailangan ng tulong.
Sino ang tulad mo sa pagpapakita
ng pagmamahal? Si Marta o si Maria? Ipagdasal nating sa anumang paraan, lagi
nating mahalin ang Diyos at kapwa na may tapat na pagmamahal.