IKA-18 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
-->
MALAYA SA KATAKAWAN
Ano ang masama kung nais ng isang
taong kunin ang bahagi ng pamana mula sa kanyang kapatid? Gusto lang naman
niyang pakinabangan ang iniwan ng kanyang mga magulang para sa kanya.
Ano ang masama sa taong nagbuo ng
mas malaking kamalig para sa mga ani niya? Gusto lang naman niyang huwag
masayang ang mga ito at makasiguro sa kanyang kinabukasan.
Sa mabuting balita ngayon (Lk 12:
13-21), nasilip ng Panginoon Hesus ang isang bagay mula sa dalawang taong ito –
ang bahid ng katakawan o pagka-gahaman. Hindi lang mana ang nais ng unang tao,
nais din niya ang mas malaking mana. Hindi lang malaking kamalig ang nais ng
ikalawa, nais niyang mahiga sa yaman at ginhawa niya.
Ang katakawan o pagka-gahaman ang
attitude na bumubulag sa atin upang makita lamang natin ang ating sarili at
hindi ang ibang tao. Maraming tao
na ang gahaman sa pera, sa ari-arian, at sa kapangyarihan. Ang pagka-gahaman
ang nagdadala sa kanilang balewalain ang kapwa. Ang katakawan ang nagtutulak sa
kanilang makita ang ligaya hindi sa Diyos kundi sa mga materyal at makamundong
kayamanan lamang.
Mayroong gamot sa katakawan o
pagka-gahaman at ito ang ipinakita ni Hesus sa atin. Ito ay ang malasakit sa
kapwa. Si Hesus, Anak ng Diyos, ay may karapatan sa lahat ng kapangyarihan at
luwalhati sa mundo at sa langit man. Pero bilang isang tao, ang buhay niya ay
uminog sa paglilingkod at presensya sa kapwa, pagmamahal at sakripisyo para sa
iba. Dahil may malasakit siya, dumaloy din ang pag-aalala, kawanggawa,
pagbibigay at kabutihan mula sa puso ng Panginoong Hesukristo.
Salamat, Panginoon, dahil sa
babala mong dala laban sa katakawan o pagka-gahaman. Sa lahat ng bagay,
matularan ka nawa namin na hindi tumututok sa sarili lamang kundi
isaalang-alang ang kabutihan ng iba sa aming mga pang-araw araw na alalahanin
at pinagkakaabalahan. Amen.